August 11, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kung bubuhayin muli ang death penalty sa heinous crimes, dapat umanong ipataw ito sa mga mass murderer at rapist ng mga bata.
Ayon kay Cavite Rep. Francis “Kiko” Barzaga,hindi na dapat ginagastusan pa ng gobyerno ang pagkakakulong sa mga mass murderer at child rapist.
“Mass murderers and child rapists deserve the death penalty, why waste government resources keeping them alive in prison for decades when there’s a simpler way to deal with them?” pahayag ng solon sa kaniyang facebook post.
Sinabi ni Barzaga na sobrang siksikan na mistulang mga sardinas na ang mga preso sa mga piitan sa Pilipinas kaya para lumuwag ito ay isalang sa capital punishment na death penalty ang mga nakagagawa ng heinous crimes.
Ibinasura ng Kongreso noong 2006 ang death penalty sa bansa.
Noong 2017, sa ilalim ng administrasyong Duterte, bumoto ang Kamara pabor sa pagbabalik ng death penalty, subalit hindi ito umusad sa Senado.
Habambuhay na pagkakakulong ang pinakamabigat na parusa sa bansa sa kasalukuyan.
