October 15, 2025 | 12:00am
LUCENA CITY, Philippines — Patay na nang matagpuan ang isang parcel delivery rider matapos na mahulog sa ilog kasama ang kanyang minamanehong motorsiklo sa Purok Liga, Barangay Ibabang Talim sa lungsod na ito, kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Manuelito, 36, binata, JnT delivery rider at residente ng Purok Bagong Sinag, Barangay Cotta, Lucena City.
Batay sa ulat, huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-9:00 ng gabi na sakay ng motorsiklo at binabagtas ang kongkretong tulay ng Barangay Salinas patungo sa Barangay Cotta.
Dahil sa dulas ng tulay ay aksidente umanong nahulog ang biktima habang sakay ng motorsiklo at bandang alas-6:21 ng umaga lang nang matagpuan ang katawan nito na wala nang buhay at ang motorsiklo nito.
