December 4, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkadismaya si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon matapos na matuklasang ilang infrastructure projects sa dalawang bayan ng Surigao del Norte ang hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatapos.
Ininspeksiyon ni Dizon ang naturang mga proyekto, na kinabibilangan ng tulay ng Maasin at Asinan, na kapwa matatagpuan sa bayan ng Pilar, nitong Martes, at nadismaya nang makitang hindi pa tapos ang mga ito.
Nabatid na ang konstruksiyon ng mga naturang proyekto ay kapwa sinimulan noon pang 2021 at naideklarang kumpleto na noong 2022.
Dismayado rin si Dizon sa flood control project sa Barangay Tuburan, sa bayan ng Del Carmen, na hanggang ngayon ay under construction pa.
Batay sa ulat, ang proyekto ay 95% nang tapos ngunit natuklasang 35% pa lamang ang nagagawa.
Dahil dito, sinermunan ni Dizon ang mga lokal na opisyal ng DPWH sa lugar at tinanong kung ano ang rason kung bakit hindi natapos ang proyekto.
“What is the reason? Huwag ninyo akong lolokohin! Bakit walang taong nagtatrabaho dito?” galit na tanong ni Dizon.
Kaugnay nito, inatasan ni Dizon ang mga opisyal ng departamento sa lalawigan na madaliin ang pagtatapos ng mga proyekto.
Pinaiimbestigahan din niya ang naging sanhi ng pagkaantala ng mga naturang imprastruktura at ang contractor na gumagawa ng proyekto, na sinasabing may koneksyon umano kay Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Bingo” Matugas.
