MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Health Secretary Ted Herbosa ang online counseling para sa mga Pilipinong nananatili sa Israel na naapektuhan ng tension sa pagitan ng Iran at Israel.
Sa tulong ng mga eksperto mula sa DOH-Mariveles Mental Health and Wellness General Hospital, nabigyan ang tinatayang 60 OFWs ng debriefing at psychological first aid habang ang ilan ay nai-refer para sa karagdagang mental health services ng DOH.
Kaagapay ng DOH ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) sa patuloy na paghahatid ng mental health at psychosocial support sa ating mga kababayang naapektuhan ng sigalot sa Israel.
“To our dear overseas Filipinos in Israel, the whole of Philippine government stands with you during these difficult times. We know that the situation in Israel is incredibly challenging,” ani Herbosa.
Anim na psychiatrists at 11 psychosocial facilitators ang humarap sa virtual counselling.
Plano ng DOJ na magsagawa ng katulad na mga sesyon kada ikalawang linggo, depende sa pangangailangan ng bawat pasyente.
Sa datos ng Philippine Embassy sa Israel, nasa 146 kabahayan ng mga Pinoy doon ang napinsala, na may mga okupante naman nabigyan na ng matutuluyan.
Nasa 26 OFWs ang kabilang sa voluntary repatriation, habang may nauna nang naibalik sa bansa na 100 pilgrims at estudyante.
Nasa 75 naman ang kumpirmado para sa next batch repatriation habang may 353 pa ang nakalinya ang request.