Driver pinasok sa kubo, binaril habang tulog!


SAN JACINTO, Masbate, Philippines — Hindi na nagising ang isang habal-habal driver matapos barilin habang natutulog sa Sitio Tacdugan, Brgy.Bagahanglad sa bayan ng San Jacinto, Masbate kamakalawa ng umaga.

Tama ng punglo sa panga ang agad ikinasawi ng biktima na si alyas “Bilog”, 44 anyos, residente ng District Number 3 ng naturang bayan.

Sa ulat, dakong alas-8:40 ng umaga habang natutulog si Bilog sa isang kubo sa tabi ng dagat ng barangay nang dumating ang suspek na nakasuot ng itim na tube mask at sombrero.

Lumapit ang ‘di kilalang suspek sa natutulog na biktima saka bumunot ng baril at walang kaabog-abog na pinutukan ang huli sa kanang bahagi ng kanyang panga saka mabilis na tumakas ang salarin.

Mabilis na isinugod ang biktima ng mga residente sa San Jacinto Rural Health Unit pero iden­eklarang dead-on-arrival.

Nakuha sa lugar ng rumespondeng mga pulis ang isang basyo ng bala ng kalibre 45 pistola.