Drug test ng Senado ‘di gagayahin ng Ehekutibo


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

August 22, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Walang balak ang Ehekutibo na ipasailalim sa drug test ang kanilang mga opisyal at mga tauhan.

Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin, dati ng ginagawa ng Ehekutibo ang ganyang proseso kaya hindi masasabing orihinal ang ideya ng Senado na drug testing.

Paliwanag pa ni Bersamin na kapag may nahahalata sa mga opisyal at kawani ng ehekutibo ay pinapa-eksamin kaagad ang mga ito para matukoy kung guma­gamit ng illegal na droga.

“We do not need to imitate that eh kasi ginagawa namin yan. Hindi original yan,” ayon pa kay Bersamin.

Sa katunayan aniya lahat ng mga ahensiya ng gobyerno na may duda sa kanilang mga kawani at opisyal ay ginagawa ang drug testing.

Matatandaan na nag-ugat ang pagpapa-drug test ng ilang mga senador at kanilang mga staff matapos ang kontrobersiya ng umano’y paggamit ng marijuana ng isa sa mga staff ni Sen. Robin Padilla na si Nadia Montenegro na nagbitiw na sa kanyang trabaho.