September 21, 2025 | 12:00am
HINDI maikakaila ang hirap na dinaranas ng mga magsasaka na nagdadala ng pagkain sa mga hapag-kainan. Ang masakit, hindi man lang pinahahalagahan ang kanilang paghihirap sa pagdadala ng bawa’t butil ng bigas.
Hindi sila binibigyan ng karampatang atensiyon. Hindi dinidinig ang kanilang mga hinaing. Isa na rito ay ang reklamo kung saan magkandautang-utang sila upang maihanda ang pagtataniman ng palay. Umuutang sila ng pambili ng fertilizer, insecticide, at ang pambayad sa mga tumutulong sa kanila sa pagbubukid.
At sa kabila ng mga paghihirap ng mga magsasaka, may mga gahamang palay traders na pinagsamantalahan ang kanilang sitwasyon. Ibinabaon sila sa utang. Niloloko sila sa presyo o buying price ng palay. Bibilhin sa kanila sa mababang presyo na P12 o P13 per kilo. Paano mabubuhay ang mga magsasaka sa ganitong kababang presyo? Ang dapat na presyo ng palay P18 hanggang P19 kada kilo.
Dugo’t pawis ang puhunan ng mga magsasaka para makapaghatid ng pagkain sa hapag-kainan. Sana bigyang pansin ng Agriculture officials ang kapakanan ng mga magsasaka. Huwag silang magpakasarap sa loob ng kanilang mga air-conditioned offices habang ang mga magsasaka ay nagtitiis sa pagtatanim ng palay sa ilalim ng matinding sikat ng araw.