Mistulang waterworld ang Metro Manila noong Lunes na walang ipinagkaiba sa nangyari noong manalasa ang Bagyong Ondoy noong 2009. Halos lahat ay naparalisa dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig dulot ng Bagyong Crising na pinatindi ng habagat. Hanggang noong Martes at kahapon ng umaga ay marami pa ring lugar ang lubog sa baha.
Mas matindi ang bahang nangyari ngayon kaysa sa pananalasa ng Bagyong Carina noong nakaraang taon. Ngayon, ang mga hindi binabahang lugar ay lumubog na. Kung magpapatuloy pa ang pag-ulan dahil sa habagat at sa binabantayang dalawang bagyo. Kahapon, naging bagyo na ang binabantayang low pressure area at tinawag na “Dante”. Isa pang bagyo ang binabantayan ng PAGASA.
Kung magpapatuloy ang Bagyong Dante sa pagtahak sa bansa, tiyak na pagbaha na naman ang daranasin ng mamamayan. Hindi pa humuhupa ang baha sa mabababang lugar ay may panibago na namang nagbabadya. At sa mga nangyayaring pagbaha sa Metro Manila, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na dahil ito sa mga baradong drainage.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, 70 percent ng drainages sa Metro Manila ay barado. Hindi na umano kayang kontrolin ng drainage system ang mga pagbaha dahil sobrang tanda at lumang-luma na ang mga ito. Hindi umano makadaloy nang maayos ang tubig baha sa mga pumping stations dahil ang mga drainage system ay barado.
Gumagana naman daw ang pumping stations pero ang problema ay hindi makadaloy ang tubig-baha papunta sa pumping stations. Hindi raw adequate para mag-convey ng floodwaters papunta sa pumping station. Ayon pa kay Bonoan, isang bagong drainage system master plan ang binubuo sa tulong ng World Bank (WB).
Nakahihindik malaman na 70 percent ng drainage systems sa Metro Manila ay barado. At kahit sinabi ni Bonoan kung ano ang dahilan kaya barado, tiyak na basura ang dahilan. Wala nang iba. Ang mga estero sa Metro Manila ay malaking garbage basket na hantungan ng mga basura.
Subalit nagsasagawa naman ng paglilinis o declogging ang DPWH kung tag-araw hindi ba? Bakit hindi nila naalis ang mga bara? Bakit hindi naalis ang basura sa estero. Nasaan ang pondo para sa flood control project?
Problema ang baha. Matagal nang problema ito at hanggang ngayon, problema pa rin. May pondo para sa flood control pero bumabaha pa rin.
Basura ang sinisisi sa pagbaha. Ang mga taong walang disiplina sa pagtatapon ng basura ang dapat sisihin. Kailangan na ng kamay na bakal sa problemang ito.
