EDITORYAL — BI, nananatiling inutil sa pagtakas nina Alice Guo


Nakalabas ng bansa si dating Bamban, Tarlac myaor Alice Guo at kapatid nitong si Shiela Guo noong Hulyo 18, 2024. Nadakip sa isang mall sa Riau, Indonesia si Shiela at kaibigang Cassanda Li Ong noong Agosto 20, 2024 ng Indonesian immigration at police.

Nadakip naman si Alice Guo noong Setyembre 5, 2024 sa Indonesia makaraang matugaygayan ng Indo­nesian immigration. Nahuli siya sa isang hotel. Kina­bukasan, sinundo siya nina DILG Sec. Benhur Abalos at PNP chief General Rommel Marbil. Masaya si Alice Guo na nakunan ng picture kasama sina Abalos, Marbil at mga taga-National Bureau of Invesitigation at Bureau of Immigration.

Nang gilingin sa Senado si Shiela Guo, kung paano sila nakalabas ng bansa, sinabi nitong sumakay sila sa isang speedboat at lumipat sa mas malaking barko bago nakarating sa Malaysia. Mula roon nagpalipat-lipat daw sila sa iba pang bansa.

Nang imbestigahan ng Senado si Alice Guo, hindi siya napiga kung paano nakalabas ng bansa. Wala raw tumulong sa kanila. May sinabi pa siyang nagbabanta sa kanyang buhay pero hindi naman sinabi kung sino iyon.

Hanggang ngayon, wala pa ring kasagutan kung paano nakatakas sina Alice Guo. Sinabi noon ng Bureau of Immigration (BI) na binabantayan nila si Guo at ini­lagay na ito sa hold departure list. Hanggang sa mabulgar na wala na nga sa bansa sina Guo at mga kasama.

Nagbanta noon si President Ferdinand Marcos Jr. na may “gugulong na ulo” sa pagtakas ni Guo. Noong Setyembre 8, 2024, sinibak ni Marcos si BI Commissioner Norman Tansingco. Sabi ni DOJ Secretary Jesus­ Crispin Remulla na hiniling niya kay Marcos na sibakin si Tansingco dahil marami umano silang naengkuwentro na problema sa opisyal. Malaki ang kinalaman ng pagtakas ni Guo sa pagkakasibak kay Tansingco.

Makalipas ang pitong buwan mula nang maaresto si Alice Guo at mga kasama sa Indonesia, nananatili pa ring “misteryo” ang kanilang pagtakas. Hanggang ngayon walang maipakita ang BI kung paaano nakatakas ang dating mayor na inaakusahan sa paglaganap ng POGO sa Tarlac.

Wala pa ring hawak na report ang BI sa kabila na ilang buwan na ang nakalilipas. Hindi maitago ni Se­nate deputy minority leader Risa Hontiveros, chairman ng Senate Subcommittee on Justice ang pagkadismaya sa mga opisyal ng BI na walang maipakita ka­ugnay sa pagtakas nina Guo.

Masyadong inutil na ang BI? Mas mabilis silang magpapasok ng iilegal Chinese kapalit ng pera para maging empleyado ng POGO. Sino ang makakalimot sa “pastillas scam”? Wala nang aasahan pa kung bakit nakalabas sina Guo. May gugulong pa kayang ulo?