Pilipino Star Ngayon
October 25, 2025 | 12:00am
SINABI minsan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) secretary Vince Dizon na mauubos ang mga empleyado sa kanyang tanggapan dahil sa mga kinakaharap na kaso. Ibig sabihin ni Dizon, halos lahat ng mga empleyado ay sangkot sa korapsiyon. Mula sa ibaba, pataas ay sabit sa anomalya. Ibig sabihin, wala nang matino at mapagkakatiwalaan sa mga taga-DPWH.
Nakakahindik na malaman ito. Pero kung sa mismong bibig ni Dizon nanggaling, maaaring may katotohanan nga ang mga sinabi niya. Mula nang ihayag ni Dizon na mauubos o walang matitirang empleyado sa DPWH, dumagsa naman umano ang mga aplikante sa bagong posisyon. Ayon pa kay Dizon, hindi baleng maubos ang mga empleyado sa DPWH sapagkat madali naman itong mapapalitan ng bago. Totoo naman ang sinabi ni Dizon. Tiyakin lamang na hindi mga korap ang ipapalit sa mga nagbitiw. Kung mga tiwali rin ang ipapalit, walang pagbabago sa ahensiya. Mas maganda kung bubuwagin na ang DPWH gaya ng panukala ng ilang senador. Desidido naman si Dizon na linisin ang DPWH sa lalong madaling panahon.
Pinagbubuhusan ng panahon ni Dizon ang pagsasampa ng kaso sa mga matataas na opisyal ng DPWH. Una nang sinabi ni Dizon na may mananagot sa anomalya. Wala aniyang makaliligtas.
Kamakalawa, sinampahan na niya ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang 22 opisyal ng DPWH at contractors na sangkot sa flood control projects. Ayon kay Dizon, mga kasong malversation of public funds through falsification of public documents ang inihain sa mga respondents sa magkahiwalay na flood control projects sa La Union at Davao Occidental. Sinabi rin ng DPWH secretary na kabilang sa mga kakasuhan ang St. Timothy Construction Corporation na pag-aari ni Sarah Discaya.
Noong Setyembre 16, ininspeksiyon ni Dizon ang dalawang flood mitigation structures sa Bauang River Basin sa La Union, na nagkakahalaga ng tig-P89.7 milyon na nai-award sa Silverwolves Construction Corporation. Ang mga proyekto ay substandard subalit nabayaran nang buo. Ininspeksiyon din niya project sa Davao Occidental na P96.5 milyon ang halaga ngunit ghost project pala at nai-award sa St. Timothy noong 2022.
Mabilis magsampa ng kaso si Dizon. Gusto niyang mapanagot ang mga sangkot. Ang bola ay nasa Office of the Ombudsman. Nararapat bilisan ng Ombudsman ang paggiling sa mga kaso. Naiinip ang taumbayan.
