EDITORYAL — Daming kaso ng leptospirosis


Sinabi ng Department of Health (DOH) na patuloy na dumarami ang kaso ng leptospirosis sa buong bansa lalo sa mga lugar na naapektuhan nang gra­beng pagbaha. Sa San Lazaro, naitala kahapon ang 77 pasyente na-admit. Naiulat din na 10 ang namatay dahil sa sakit.

Ang Quezon City naman ay nakararanas ng pagdami ng kaso. Kahapon naitala ang 115 kaso. Dumagsa naman ang mga pasyenteng may leptospirosis sa emergency room ng Philippine General Hospital. Bukod sa leptos­pirosis, marami rin ang nagka-pneumonia. Umapela ang DOH sa publiko, na sa ibang ospital dalhin ang mga pasyenteng may leptospirosis dahil punumpuno na ang kanilang ER. Marami naman umanong public hos­pital na maaaring pagdalhan sa pasyente.

Sa kabila nang panawagan ng DOH sa mamamayan na huwag lulusong sa baha kapag may sugat sa paa at binti, hindi rin ito nasunod kaya dumami ang kaso. Hindi rin naman napagbawalan ang mga bata na maligo sa baha na kontaminado ng ihi ng daga. Minsan nang sinabi ng DOH na isusulong nila sa local government units (LGUs) na gumawa ng ordinansang nagbabawal sa paliligo sa baha. Nang bumaha noong Hulyo 21 sa Metro Manila at marami pang lugar dahil sa bagyong Crising at pananalasa ng habagat, marami ang napi­litang lumusong sa baha. Katwiran ng iba ay hindi sila kakain kung hindi susuungin ang baha. Kaya, pikit-matang lumusong ang marami sa hanggang dibdib na baha.

Payo ng DOH, kung lulusong sa baha, magsuot ng bota. Ang mga lumusong sa baha ay pinapayuhan na uminom ng gamot laban sa lepto.

Ayon sa DOH, pitong araw bago lumabas ang mga sintomas ng leptospirosis na kinabibilangan ng lagnat, panginginig ng katawan, pananakit ng binti, kalamnan, at kasu-kasuan, pamumula ng mga mata, paninilaw ng balat, pananakit ng ulo at kulay tsa ang ihi. Kapag naka­ranas ng mga ito agad na magtungo sa ospital.

Kapag marumi ang paligid, maraming daga at ang mga ito ang karaniwang pinanggagalingan ng virus. Ayon sa DOH, hindi lamang sa ihi ng daga nagmumula ang leptospirosis kundi maging sa iba pang hayop.

Maraming nag-aakala na simpleng sakit lang ang leptospirosis. Kapag tinamaan ng leptospirosis, naa­apektuhan o nasisira ang kidney kaya isinasailalim sa dialysis ang pasyente. Huwag hayaang mangyari ito. Magdoble-ingat sa leptospirosis.