Pilipino Star Ngayon
November 4, 2025 | 12:00am
NOONG nakaraang Mayo, inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa hearing na isinagawa ng Senado na 18.96 milyon na senior at junior high school students na nag-graduate noong 2024 ang hindi marunong bumasa at makaunawa ng kanilang binasa. Maraming nagimbal sa inihayag ng PSA. Ganito na ba kababa ang kaalaman ng mga kabataang estudyante?
Nagpakita ng pagkabahala si Senator Sherwin Gatchalian, na noon ay pinuno ng Senate committee on basic education. Sabi ni Gathalian, nakaaalarma ang ganitong sitwasyon. Sabi ng Senador, ang kahirapan at kakapusan ng karunungan ay magkaugnay at kapag may Pilipino na hindi marunong sumulat, bumasa at mag-compute, mananatili ang karukhaan sa Pilipinas.
Marami pang nadismaya sa inihayag ng PSA at walang ibang sinisisi kundi ang sistema ng Department of Education (DepEd). Nakita rin ang kahinaan ng mga estudyante sa mga competitions na nilalahukan ng iba pang mga estudyante sa ibang bansa. Gaya ng resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan ang mga Pilipino students ay mababa ang rating sa math, science at reading. Bagsak din ang Pinoy students sa creative thinking assessment na isinagawa rin ng PISA. Ikalawa sa kulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa 64 na bansang sumailalim sa PISA assessment.
Dahil sa kahinaan ng mga estudyante, sinabi ni DepEd Sec. Secretary Sonny Angara na magsagawa ang mga eskuwelahan ng examinations na katulad ng PISA. Ayon kay Angara, ito ay para masubukan ang kaalaman ng studentes sa problem solving at reading comprehension.
Mas nakababahala naman ngayon ang pinakahuling report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na dumami ang bilang ng mga Pilipinong illiterate o hindi marunong bumasa at sumulat. Sa 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey, lumabas na 24.8 milyon na ang mga Pilipinong illiterates. Noong 1993, naitala na 14.5 milyon lamang ang mga illiterates na Pilipino.
Ang pagkilos ng DepEd sa problemang ito ng illiteracy ay nararapat na bigyan ng pansin. Malaki rin ang papel ng local government units (LGUs) sa problema. Lubhang nakababahala ang paglobo ng mga Pilipinong no read and write. Paano uunlad ang Pilipinas kung marami ang illiterates.
Nararapat unahin ang problema sa illiteracy. Ang kamangmangan din ang dahilan kaya maraming pulitiko ang naluluklok sa puwesto. Dahil sa kamangmangan ng botante, kayang-kaya silang bolahin ng mga pulitiko—sa dakong huli ang mga mangmang ang kawawa. Nabilog ang ulo nila ng gahamang pulitiko.
