Kung matibay ang bollard sa NAIA Terminal 1 na sinalpok ng nagwalang itim na SUV noong Linggo, hindi ito masisira at hindi matutumbok ang mga taong nasa departure area na dalawa ang namatay. Pero kitang-kita na tila ipinatong lamang ang bollard na walang anumang sinagasa ng SUV. Naging dekorasyon lamang ang mga bollard at hindi naproteksiyunan ang mga taong naghahatid sa kanilang anak. Substandard at mababaw ang pagkaka-install ng bollards. Nararapat lang na magkaroon ng imbestigasyon sa pangyayari. Marami pang uutanging buhay ang mga depektibong bollard.
Kasabay sa pagpapanagot sa driver ng SUV sa pagkamatay ng dalawang tao kabilang ang limang taong gulang na batang babae at pagkakasugat ng apat na iba pa, imbestigahan kung sino ang nag-utos para ilagay ang mga depektibong bollard. Malaki ang posibilidad na may katiwalian sa mga ini-install na bollard. Ayon sa report, na-install ang mga bollard noong Hulyo 2019 sa ilalim ng Duterte administration kung saan ang Department of Transportation (DOTr) ay pinamumunuan ni Arthur Tugade.
Isang araw makaraan ang trahedya sa NAIA, ipinag-utos ni President Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang mga depektibong bollard na nakalagay sa NAIA Terminal 1. Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, iniimbestigahan na ang proseso ng procurement at ang mga teknikal na detalye ng mga naka-install na bollards. Hindi umano palalampasin ng administrasyon ang mga kapabayaan lalo na kung may kaugnayan sa katiwalian sa mga kontrata ng pamahalaan.
Halos ganito rin ang sinabi ni Marcos noong Marso makaraang bumagsak ang Cabagan-Sta Maria Bridge sa Isabela noong Pebrero 27 na ikinasugat ng walong tao. Nahati sa gitna ang tulay nang dumaan ang isang truck na may kargang bato na may bigat na 102 tonelada. Ang tulay ay ginastusan ng P1.2 bilyon. Bagumbago ang tulay sapagkat kasasailalim lamang sa retrofitting sa loob ng 10 taon.
Nagbanta ang Presidente na “may gugulong na ulo” sa pagbagsak ng tulay. Ang sinumang mapapatunayan na may kasalanan sa pagbagsak ng tulay ay dapat makulong. Pinaiimbestigahan din ng Presidente kung may kaugnayan ang korapsiyon sa pagbagsak ng tulay. Hanggang ngayon, wala pang “gumugulong na ulo” sa pagbagsak ng Cabagan-Sta Maria Bridge.
Sa mga depektibong bollard sa NAIA nakatingin ang sambayanan kung may mananagot. Tiyak na may nangyaring katiwalian sa proyekto. Malaki ang kinita ng contractor dahil tinipid ang dapat sana’y matibay at matatag na bollard na proteksiyon sa mga taong nasa NAIA. Dahil sa katiwalian, may mga buhay na nasayang.
