Pilipino Star Ngayon
February 16, 2026 | 12:00am
TALAMAK pa rin ang e-sabong sa bansa. Walang ipinagbago sa kabila na may batas na totally nagbabawal dito, laganap pa rin. At habang patuloy ang e-sabong, ang kaso ng missing sabungeros ay nananatiling nasa balag pa rin ng alanganin lalo’t hindi pa nadarakip ang sinasabing “utak” sa pagkawala ng mga sabungeros. Hindi malaman ang kinaroroonan ng negosyanteng si Atong Ang. Itinaas na ng DILG sa P20 milyon ang pabuya kay Ang. May nagsabing nasa Cambodia si Ang pero sabi ng DILG nasa bansa pa ang negosyante.
Walang ibang dapat sisihin sa paglaganap ng e-sabong kundi ang Philippine National Police(PNP). Ang PNP Anti-Cybercrime Group ang may responsibilidad sa pagtugaygay sa e-sabong. Sila ang may kakayahan na matunton ang mga sites ng e-sabong sa buong bansa. Pero naging inutil sapagkat maraming naglipanang e-sabong sites ang hindi nila na-block o sadyang hindi bina-block.
Pero sabi naman ng Anti-Cybercime Group, marami na raw silang naisara o na-block na e-sabong sites. Ayon pa sa kanila, mahigit 7,000 e-sabong sites ang kanilang na-block mula pa noong 2022.
Kung mahigit 7,000 ang kanilang na-block, bakit hanggang ngayon ay talamak pa rin ang sabong? Bakit marami pa ring sinisirang pamilya at kinabukasan ang salot na sugal na ito. Ginagawa ba talaga ng PNP ang kanilang trabaho ukol sa salot na e-sabong.
Sa ilalim ng batas, papatawan nang 20 taong pagkabilanggo at pagmumultahin ng P500,000 depende sa desisyon ng korte. Nakasaad din na ang lahat ng permits at lisensiya na inisyu sa e-sabong operators ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ay idedeklarang walang bisa. Wala ring iisyung permit sa magsasagawa ng e-sabong operations. Ipinagbabawal din ang pagtatatag at operasyon ng mga sabungan sa layong 500 metro sa residential, commercial area, schools, simbahan at hospital.
Noong Disyembre 2022, inisyu ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 9 na nagpapatuloy sa suspension ng e-sabong. Sakop ng EO ang suspensyon sa live streaming o broadcasting ng live cockfights sa labas ng cockfighting arenas na pinagdarausan ng sabong. Bawal din ang online/remote, o off-cockpit wagering/betting sa live cockfighting matches.
Maraming gumagawa nang masama para matustusan ang bisyong e-sabong. Dahil sa pagkalulong dito, may ina na ibinenta ang kanyang sanggol para lamang may maitaya sa e-sabong.
Dapat gawin ng PNP ang kanilang trabaho upang mabuwag ang e-sabong. Tapusin na ang masamang bisyong ito.
