EDITORYAL — Katiwalian sa BI patuloy pa rin


Pilipino Star Ngayon

January 29, 2026 | 12:00am

Maraming katiwalian na nangyayari sa Bureau of Immigration (BI). Hindi pa rin narereporma ang nasabing tanggapan sa kabila na isinusuka na ang mga nagaganap na korapsiyon. Pinaninindigan na ng BI na “lungga” ito ng mga buwaya at walang ipinagkaiba sa iniimbestigahang Department of Public Works and Highways (DPWH). Katulad ng DPWH, noon pa laganap ang katiwalian sa BI. Mayroon nang mga nahuling corrupt officials sa BI subalit nananatili pa rin ang ka­ti­walian sa nasabing tanggapan.

Pinakabagong katiwalian sa BI ay may kaugnayan sa isang Russian vlogger na nakatanggap ng VIP treat­ment sa tatlong BI officials. Pero nabulgar lamang ang ginawang katiwalian ng tatlong BI officials nang isiwalat ito mismo ng vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy. Naipa­deport na si Zdorovetskiy noong Enero 17. Pagdating­ sa kanyang bansa isiniwalat ni Zdorovetskiy na naka­kuha siya ng VIP treatment sa BI officials at mga guwar­diya habang nasa detention kapalit ng pera. Patunay ang mga video na kasama ni Zdorovetskiy ang tatlong BI officials.

Si  Zdorovetskiy ay inaresto noong Abril 2025 dahil sa hindi kanais-nais na ugali gaya nang harangin ang isang sekyu sa BGC at pagsakay sa tricycle na naging dahilan para ito maaksidente. Ipinag-utos naman ni Pre­sident Marcos Jr. na imbestigahan pa ang BI offi­cials na sangkot sa pagbibigay ng VIP treatment sa Russan vlogger. Sabi ng Presidente, sibakin ang mga sangkot sa katiwalian sa BI.

Paulit-ulit lamang ang katiwalian sa BI. Noong Marso 4, 2025, tatlong Immigration personnel ang sinibak makaraang patakasin ang isang South Korean fugitive habang dumadalo sa hearing sa Quezon City Prose­cu­tor’s Office kaugnay sa kaso nitong estafa. Ang Korean ay nakilalang si Na Ikhyeon, 38.

Ayon sa tatlong Immigration personnel, nakatakas ang Koreano sa pamamagitan ng pagdaan sa comfort­ room sa Prosecutor’s Office. Pero sinabi mismo ng taga­pagsalita ng Immigration na si Dana Sandoval na nagsisinungaling ang tatlo. Pinatunayan ito ng mga kuha ng CCTV na kusang pinatakas ng tatlo ang Koreano.

Sino ang makalilimot sa “pastillas scam” na modus­ ng mga korap na opisyal at empleyado ng BI? Ang “pas­tillas scam” ay umalingasaw noong 2021 nang dumagsa ang mga Chinese na empleyado ng POGO. Ma­bilis na nakakapasok sa bansa ang mga Chinese sa pamamagitan ng panunuhol sa mga korap na BI personnel. Bi­ni­bilot na parang “pastillas” ang perang isinusuhol. Bawat Chinese ay nagbabayad ng P10,000 para makapasok nang walang kahirap-hirap.

Sa rami ng mga katiwaliang nangyayari sa BI, tila hinahayaan na lamang ito ng namumuno. Walang ginagawang reporma upang mapatino ang nasasakupan. Wala pang Immigration commissioner na matatawag na gumawa ng hakbang para mabuwag ang “lungga ng mga buwaya”.