Pilipino Star Ngayon
October 20, 2025 | 12:00am
MARAMING katiwaliang nangyayari sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Nakahihiya na ang tanggapang ito na grabeng nakulapulan ng korapsiyon. Nang sumingaw ang anomalya sa flood control projects lalo nang naging kahiya-hiya ang DPWH. Bilyun-bilyong piso ang nanakaw sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng kutsabahan ng contractor at mga opisyal ng DPWH. Nakisawsaw ang mga pulitiko at nakakuha ng kickback.
Lumalabas ngayon na pinakamarumi ang DPWH kaysa sa Bureau of Customs (BOC). Naungusan ng DPWH ang dating nangungunang Customs. Halos lahat ng empleyado ng DPWH, ayon kay Secretary Vince Dizon ay sangkot sa korapsiyon. Sabi pa ni Dizon, walang sasantuhin at sisinuhin sa mga empleyado. Lahat aniya ay masisibak kapag napatunayang sangkot sa anomalya sa flood control projects.
Dahil sa isinasagawang imbestigasyon, maraming mawawalan ng trabaho sa DPWH. Ayon pa sa DPWH secretary, maraming empleyado ang mawawala dahil sa pagkakasangkot sa korapsiyon.
“Marami talaga ang mawawala rito,’’ sabi ni Dizon sa isang press conference sa Clark, Pampanga. Magsasagawa umano siya ng “top to bottom” na reporma at ang mga masisibak ay papalitan agad. Naniniwala umano si Dizon na ang pagbabago ay dapat na magsimula sa loob ng ahensiya. Humingi umano siya ng payo sa mga dating DPWH secretary Rogelio “Babes” Singson at Ping de Jesus.
Tama ang ginagawa ni Dizon na pagreporma sa DPWH. Dapat magkaroon ng pagbabago sa ahensiya na naging lungga na mga mga buwaya. Walang kabusugan ang mga buwaya na gustong ubusin lahat ng pera sa kaban. Walang takot sapagkat may mga nagpoprotektang malalaking pulitiko.
Ipinangako ni Dizon na malapit nang magkaroon ng katuparan ang pagsasampa ng kaso sa mga inaakusahang nangurakot ng pondo. Hindi na raw magtatagal ang paghihintay. Noong nakaraang buwan, naglabas si Dizon ng show-cause order laban sa ilang regional directors at district engineers na pinaniniwalaang sangkot sa mga substandard na proyektong pang-imprastraktura at sa mga nabunyag na pagkakaroon nang marangyang pamumuhay.
Sabi naman ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, hindi aabutin ng isang taon at mayroon nang mako-convict sa anomalya ng flood control projects. Kapag daw pinayagan ang tuluy-tuloy na pagdinig sa kaso ng mga inaakusahan, matatapos agad ang trial at mahahatulan na ang mga akusado.
Hindi matahimik ang taumbayan. Dinadala sa kalye ang sentemiyento. Nararapat na bilisan ang pag-usad ng kaso at magkaroon ng seryosong paglilinis sa DPWH—mula taas at ibaba.
