Pilipino Star Ngayon
December 5, 2025 | 12:00am
Inihayag ng Department of Education (DepEd) na inaprubahan na nila ang P131 milyong pondo para sa literacy interventions sa 131 na paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang pagpapalabas ng pondo ay sa pakikipagtulungan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2). Ayon sa DepEd ang pagpapalabas ng pondo ay hakbang sa nakababahalang krisis sa edukasyon kung saan lumabas sa pag-aaral na 85 percent ng mga mag-aaral sa Grades 1-3 ay nahihirapang magbasa.
Ayon sa DepEd, ang mga paaralan na natukoy na mahina ang mga estudyante ay nasa sa Regions 12, 9, at 8, kabilang ang Samar, Tacloban, Zamboanga, at Soccsksargen. Sa pagpapalabas ng pondo, mabibigyan ng sapat na suporta ang mga paaralan upang mapabilis ang literacy recovery.
Sana nga ay makatulong ang pondo para mabilis na matuto ang mga estudyante sa mga nabanggit na rehiyon. Tiyak na ang kawalan ng suporta ang dahilan kaya maraming bata ang salat sa kaalaman. Ang 131 school na nasa Regions 12, 9 at 8 ay tiyak na hindi nahahatiran ng tulong ng DepEd. Maaaring napapabayaan ang mga school. At ano ang aasahan sa mga bata sa paaralang hindi nabibigyan ng suporta mula sa DepEd. Maaaring ang mga guro rin ay batbat ng problema kaya hindi maayos ang pagtuturo.
Masakit mang sabihin, nasa krisis ang edukasyon. Noong nakaraang Mayo, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 18 milyon na senior at junior high school students na nag-graduate noong nakaraang taon ang hindi marunong bumasa at makaunawa ng kanilang binasa.
Sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), nangulelat ang mga Pilipino students sa math, science at reading comprehension. Bagsak din sa creative thinking assessment na isinagawa rin ng PISA. Ikalawa sa kulelat ang Pinoy students sa 64 na bansang sumailalim sa PISA assessment.
Dahil sa kahinaan ng mga estudyante, sinabi ni DepEd Sec. Secretary Sonny Angara na magsagawa ang mga eskuwelahan ng examinations na katulad ng PISA. Ayon kay Angara, ito ay para masubukan ang kaalaman ng students sa problem solving at reading comprehension. Magawa sana ang pinangako ni Angara.
Ngayong may pondo na para ikauunlad ng kaalaman ng mga bata, malaki ang pag-asa na makakatakas na sa kamangmangan ang nakararaming Pilipino. Ang kamangmangan ang dahilan kaya maraming pulitiko ang nahahalal sa puwesto. Dahil mangmang ang botante, madali silang mapaniwala sa mga boladas ng kandidato. Lusawin ang kamangmangan sa bansang ito para umunlad.
