EDITORYAL — Mag-aklas laban sa mga masisiba at korap


Pilipino Star Ngayon

August 25, 2025 | 12:00am

IPINAGDIRIWANG ngayon ang Araw ng mga Bayani. Pinahahalagahan ang mga ginawang kabayanihan nina Andres Bonifacio, Jose Rizal, Antonio Luna, Tandang Sora, Marcelo H. del Pilar, Gregorio del Pilar, Apolinario Mabini, Miguel Malvar at maraming iba pang nagbuwis ng buhay para sa Inang Bayan. Lumaban sila sa mga mapang-aping Kastila at Amerikano para mapalaya ang bansa. Hindi mapapantayan ang kanilang ginawang kabayanihan na laging alalahanin at hindi malilimutan. Ang kanilang pangalan ay nakatatak na sa isipan dahil sa ginawang paglaban sa mga mananakop.

Ngayon, pagkalipas nang maraming taon, may bagong kalaban ang mamamayan na mas matindi pa sa mga nilabanan ng mga bayani noon. Mga korap at masisiba ang bagong kalaban ngayon na wala nang kahiya-hiya. Sila ang nagpapasasa ngayon sa pondo ng bayan katulong ang mga masisiba sa mga tanggapan ng pamahalaan. Lalong tumindi nang makisawsaw ang mga pulitikong hidhid.

Kamakailan, pinangalanan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang 15 kompanya na nakakopo ng bilyong pisong kontrata para sa flood control projects. Ang 15 kompanya ay ang: Legacy Construction Corporation, Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corporation, St. Timothy Construction Corporation, QM Builders, EGB Construction Corporation, Topnotch Catalyst Builders Incorporated, Centerways Construction and Development Incorporated, Sunwest Incorporated, Hi-Tone Construction & Development Corporation, Triple 8 Construction & Supply Incorporated, Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corporation,, Wawao Builders, MG Samidan Construction, L.R. Tiqui Builders Incorporated at Road Edge Trading & Development Services.

Ayon sa Presidente, ang Legacy Construction Corporation, Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corporation, St. Timothy Construction Corporation, EGB Construction Corporation at Road Edge Trading & Development Services, ay may mga flood control projects sa halos lahat ng rehiyon sa bansa.

Sumiklab ang galit ni Marcos nang inspeksiyunin ang flood control project sa Baliuag, Bulacan at walang nakita kahit na isang hollow block doon pero sa report sa DPWH ay completed na raw ang proyekto. Ghost project ang proyekto ayon sa Presidente. Kinumpirma naman ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na maraming ghost project sa Bulacan. Pinaiimbestigahan na ang mga contractor at mga opisyales ng DPWH na kasabwat. Hindi lamang sa Bulacan may palpak na flood control project kundi sa marami pang probinsiya gaya ng Oriental Mindoro.

Nag-aklas noon ang mga bayani laban sa mga dayuhang mananakop, ngayon dapat nang mag-aklas ang mga Pilipino laban sa mga korap na DPWH official at masisibang contractors sa flood control project.