EDITORYAL — Mag-ingat sa pag-recruit ng mga bagong pulis


Pilipino Star Ngayon

February 8, 2026 | 12:00am

SINABI ng National Police Commission (Napolcom) na magpapatupad sila ng mas mahigpit na proseso sa recruitment at promotion ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang kalidad, integridad, at kahusayan sa serbisyo.

Sabi ni Napolcom Vice Chairman Rafael Calinisan, ang pagpapatupad sa paghihigpit sa screening ay may kaugnayan sa maraming kaso na nakasampa sa mga baguhang pulis. Ayon kay Calinisan, may 4,000 kaso na hinahawakan ang kanyang tanggapan na ang mga sangkot ay baguhang pulis.

Nararapat lamang na maging mahigpit sa pagpili ng mga bagong pulis sapagkat sunud-sunod ang mga kasong kinasasangkutan. Magdugo ang ilan samantalang ang iba ay sangkot sa panggagahasa at pagpatay. May mga pulis na sangkot sa recycling ng droga.

Nararapat namang gumawa rin ng hakbang si PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ng mga hakbang para makasiguro na ang mga ire-recruit na mga pulis ay mga totoong “tao” at hindi “demonyo”. Ipag-utos ni Nartatez na isailalim sa neuro-psychiatric exam ang lahat ng pulis para malaman ang kalagayan ng kanyang pag-iisip. Mahalaga ito para hindi malagay sa panganib ang mamamayan.

Karima-rimarim ang ginawa ng isang dating pulis sa policewoman at anak nitong 8-anyos na lalaki sa Novaliches, Quezon City kamakailan lang. Onsehan umano sa pera ang dahilan na may kaugnayan sa bentahan ng sasakyan. Pagkatapos barilin  ang policewoman, ang anak naman nito ang pinatay ng dating pulis. Isinilid sa sako ang bata hanggang mamatay. Itinapon sa magkahiwalay na lugar ang mga bangkay ng mag-ina.

Sabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla, wala sa katinuan ang gumawa ng krimen. Nakakulong na ang dating pulis at mga kasabwat nito.

Hindi rin naman malilimutan ang nangyari noong ­Hunyo 2021, nang barilin at mapatay ni Police Master Sgt. Hensie Zinampan ng Police Security and Protection Group ang 52-anyos na si Lilybeth Valdez sa Sitio Ruby, Bgy. Greater Fairview, Quezon City. Lasing si Zinampan nang barilin ang biktima. Nang mahuli si Zinampan, sinabi nito na naipong galit ang dahilan kaya niya binaril ang biktima.

Noong Disyembre 20, 2020, binaril din ng pulis na si MSgt. Jonel Nuezca ang mag-inang Sonia at Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac. Nag-ugat ang pamamaril dahil sa pagpapaputok ng boga ng biktima. Dati na rin umanong may alitan ang pulis at ang mga biktima.

Maraming malalagim na pagpatay na sangkot ang mga pulis. Maging maingat, mahigpit at tiyakin na ang mga ire-recruit para maging pulis at hindi mga kampon ng demonyo. Iligtas ang mamamayan.