NGAYON ang simula ng Fire Prevention Month. Pero bago pa sumapit ang buwan ng pag-iingat sa sunog, ilang malalaking sunog na ang naganap sa Metro Manila noong nakaraang buwan at marami ang namatay. Sa buong Pebrero, limang sunog na ang naitala sa MM at may mga naganap ding sunog sa probinsiya.
Pinakahuling sunog ay ang naganap sa isang tatlong palapag na residential building sa Bgy. San Isidro, Galas, Quezon City noong Huwebes kung saan walong tao kabilang ang isang dalawang taong gulang na bata ang namatay. Ayon sa Bureau of Fire Protection, hindi nakalabas ang mga biktima sapagkat naka-padlock ang mga bintana na nagsisilbing fire exit. Naganap ang sunog dakong alas dos ng madaling araw. Mahigit P3 milyon ang halaga ng mga ari-ariang nasunog.
Noong Pebrero 15, apat katao kabilang ang dalawang bata ang namatay nang masunog ang isang residential area sa Esteban St., Bgy. 177, Pasay City. Hinihinalang faulty electrical wiring ang pinagmulan ng sunog.
Noong Pebrero 26, isang senior citizen ang namatay sa sunog sa isang residential area, sa Bgy. Guadalupe Viejo, Makati City. Nang araw ding iyon, tatlong bata naman ang namatay sa sunog sa Bgy. Magallanes, Tayug, Pangasinan. Ayon municipal Fire Marshal, iniwan ang magkakapatid ng kanilang ama para mag-charge ng cell phone sa kapitbahay. Pagbalik ng ama, nasusunog na ang bahay.
Ang mga nangyaring sunog ay nagpapaalala naman sa malagim na sunog noong Marso 18, 1996 kung saan natupok ang Ozone Disco sa Quezon City na ikinamatay ng 160 katao, na karamihan ay mga bagong graduate sa kolehiyo at nagseselebreyt. Walang fire exit ang Ozone. Nagsimula ang sunog sa stage at nag-panic ang mga tao at nag-unahan sa paglabas. Na-trap sila sapagkat walang fire exit.
Ngayong Fire Prevention Month, hindi lamang ang pagpapaalala na mag-ingat sa sunog ang nararapat ipaalam ng mga awtoridad. Dapat itanong sa mga kinauukulan kung nakahanda nga ba sila sa salakay ng mapaminsalang sunog. Nasa maayos bang kondisyon ang mga fire trucks? May sapat bang tubig?
May mga ginagawa bang pag-iinspeksiyon sa mga gusali, ospital, o paaralan para matiyak na ligtas sa pagkasunog. May mga fire sprinklers, fire extinguishers at iba pang pamatay sunog sa gusali? Nagsasagawa ba ng fire drill sa mga tanggapan ng pamahalaan at eskuwelahan?
Palawakin pa ng Bureau of Fire Protection ang pagpapaalala sa mamamayan ukol sa pag-iingat sa sunog. Hindi lamang kung Marso dapat mag-ingat kundi sa lahat ng oras.
