Pilipino Star Ngayon
October 17, 2025 | 12:00am
Ang madalas na class suspension ay naging dahilan para bumagsak ng 12 hanggang 14 percent ang grado sa Math at Science ng mga mag-aaral sa Grade 4, ayon sa The Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Bukod sa pagbagsak ng grado sa mga nasabing subjects, nababawasan ng 30 percent ang araw ng pasok gaya nang nangyari noong school year 2023-2024. Kadalasang ang suspension ng klase ay nagaganap kapag may bagyo at habagat. Ngayong 2025, marami nang ginawang pagsuspinde sa klase dahil sa sunud-sunod na bagyo at habagat. Malaki na ang nabawas na araw sa school year 2025-2026. Kung magpapatuloy ang suspension dahil sa bagyo, habagat at baha, tiyak na may malaking epekto sa mga estudyante. Baka hindi lamang sa Math at Science sumadsad ang kanilang grado. Lalong mapag-iiwanan ang mga estudyanteng Pinoy ng mga estudyante sa ibang bansa. Kung pawang pagsuspinde, baka bumagsak din ang mga estudyante sa Reading Comprehension.
Nang magkasunud-sunod ang paglindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa—pinakamalakas ang nangyari sa Manay, Davao Oriental na may magnitude 7.4, dineklara ang suspension ng klase sa maraming lugar sa Davao. Maraming school ang nawasak at hindi na maaaring gamitin. Walo ang namatay sa pagyanig.
Sa lindol na naganap sa Cebu, na may lakas na 6.9 magnitude, dineklara ring walang pasok ang mga estudyante roon. Marami ring eskuwelahan ang nawasak. Umabot sa 70 ang namatay sa lindol sa Cebu.
Nagbabala naman ang Phivolcs sa mamamayan na maging handa sa pagtama ng “The Big One” sa Metro Manila, Cavite at Laguna. Kapag gumalaw ang West Valley Fault, magti-trigger ito ng 8.1 magnitude na lindol at marami ang mamamatay. Pinayuhan ang mamamayan na maging kalmado at ihanda ang emergency kits.
Isa ang Laguna sa maaring tamaan ng The Big One. Dahil dito, ipinasya ni Laguna Governor Sol Aragones na suspendihin ang face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan simula Oktubre 14 hanggang Oktubre 31, 2025. Ang suspension ay bilang pag-iingat sa posibleng pagtama ng The Big One.
Ayon kay Aragones, ang pagsuspende ng klase ay bunga ng isinagawang konsultasyon sa disaster management teams at pag-analisa sa mga datos. Ito raw ay para matiyak na magiging ligtas ang lahat, hindi lamang ang mga estudyante kundi ang mamamayan sa Laguna at maging sa buong bansa.
Pero masyado naman yatang matagal ang 15 araw na suspension. Masasakripisyo naman ang pag-aaral ng mga estudyante. Wala silang matututunan. Lalong magiging kulelat sa maraming subjects. Mas lalong kawawa ang walang alam dahil sa mahabang suspension ng klase.
