EDITORYAL — Mga eskuwelahan, huwag gawing evacuation centers


SA Hunyo 16, 2025 ang opening ng klase sa mga pampublikong eskuwelahan sa buong bansa. Nga­yon pa lamang, tiyak nang namumroblema si Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara dahil sa kakulangan ng classrooms. Taun-taon, ganito lagi ang problema ng DepEd kapos sa classrooms. Hindi na nagkaroon ng kalutasan ang problema sa kakulangan ng classrooms.

Sa mga nakaraang pagbubukas ng klase, karaniwan na ang tanawin na mayroong nagdaraos ng klase sa lobby ng school, sa comfort room na ginawang classroom at mayroong nagkaklase sa ilalim ng punongkahoy. Posibleng mangyari na naman ang senaryong ito kung hindi makagagawa ng paraan ang pamahalaan. Malaking problema para sa mga estudyante ang pagsisiksikan sa classroom. Malaki ang epekto sa paglinang ng karunungan ang classroom na parang nagsisiksikang sardinas.

Ayon sa report, tinatayang 165,000 classrooms ang kulang sa pagbubukas ng school year 2025-2026. Bukod sa classroom shortages, tinataya namang 30,000 ang kulang sa public school teachers. Ayon sa DepEd, pa­tuloy naman ang paggawa ng mga karagdagang eskuwelahan subalit nagkukulang pa rin dahil sa mabilis na pagdami ng mga estudyante.

Isa pa sa problema ng DepEd ay ang patuloy na paggamit sa mga eskuwelahan bilang evacuation centers sa panahon ng kalamidad. Dahil walang maayos na eva­cuation centers, ang mga eskuwelahan ang hantungan ng mga lumilikas. Dahil dito, apektado ang pag-aaral ng mga estudyante. Habang nasa school na ginawang eva­cuation centers ang mga tao, walang pasok ang mga estudyante.

Nararapat nang magkaroon nang maayos na eva­cua­tion centers ang mga taong apektado ng kalamidad upang hindi na magamit ang mga school. Ito ang dapat isagawa ng pamahalaan sa lalong madaling panahon.

Noong Disyembre 6, 2024, nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Ligtas Pinoy Centers Act kung saan magtatayo nang matibay na evacuation centers sa bawat bayan na kumpleto sa pasilidad. Binigyan ng direktiba ng Presidente ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagtatayo ng evacuation centers. Sabi ni Marcos, tiyakin ng DPWH na matatapos sa tamang panahon ang konstruksyon ng evacuation centers at dapat nakasunod ito sa mga pamantayan ng National Building Code.

Anim na buwan na ang nakalilipas mula nang lag­daan ang Ligtas Pinoy Centers Act pero wala pang naba­balita na may naitayo nang evacuation centers. Muli na namang dadalaw ang bagyo, babaha, lilindol, puputok ang bulkan at iba pa. Saan dadalhin ang mga tao? Sa eskuwelahan uli? Umpisahan na ng DPWH ang eva­cuation centers.