Pilipino Star Ngayon
January 10, 2026 | 12:00am
HINDI pa nagpapakita sa Senado si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Hindi siya nakalahok sa bicameral committee kung saan isa siya sa miyembro na tatalakay sa 2026 budget. Naaprubahan na ang budget kamakailan na hindi man lang nakasilip si Dela Rosa. Wala siyang naiambag sa pagpapasa ng P6.739 trilyong national budget na nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Lunes.
Walang makapagsabi kung nasaan si Senator Dela Rosa. Maski ang chief of staff niya ay walang masabi kung nasaan ito. Palaisipan kung nasaan ang senador. Una nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na naispatan daw sa Pampanga si Dela Rosa.
Hinikayat naman ni Sen. Win Gatchalian si Dela Rosa na lumantad sa Senado at gampanan ang trabaho nito. Inihalal umano ng taumbayan si Dela Rosa at nararapat lamang tuparin ang tungkulin na sinumpaan. Sabi ni Gatchalian, ilang beses daw niyang tinawagan si Dela Rosa subalit hindi siya sinasagot. Tinanong din daw ni Gatchalian ang mga tauhan nito sa Senado pero ngiti lang daw ang tinugon sa kanya ng mga ito.
Huling nakita sa Senado si Dela Rosa noong Nobyembre 11, 2025. Hinihinalang ang pag-absent ni Dela Rosa ay dahil sa lumabas na report na nag-isyu na ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya. Kabilang si Dela Rosa sa iniuugnay sa kampanya laban sa illegal drugs ng administrasyong Duterte kung saan nasa 6,000-30,000 katao umano ang napatay. Noong Marso 11, 2025, sinilbihan ng warrant of arrest si dating President Rodrigo Duterte at dinala sa The Hague, Netherlands kung saan, nakakulong siya sa ICC facilities. Hanggang ngayon, walang warrant of arrest na lumalabas laban kay Dela Rosa.
Dahil sa matagal na pag-absent ni Dela Rosa, nagbabala si Senate President Tito Sotto na maaaring magsampa ng reklamo sa ethics committee laban sa senador. Patuloy naman ang suweldo ni Dela Rosa kahit absent sa Senado. Kaya kung patuloy na mag-aabsent ang senador, walang ibang matatalo kundi ang mamamayan sapagkat galing sa kanilang buwis ang pinangsusuweldo kay Dela Rosa.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ang isang senador ay sumasahod ng mula P294,000 hanggang P380,000. Binabayaran din ang mga staff ng senador, kasama na ang iba pang gastos sa kanilang opisina. Ang senador ay may apat na staff o higit pa. Ang mga staff ng senador ay sumasahod ng humigit kumulang P12,000 to P54,000 bawat buwan bukod pa ang mga bonuses.
Magpakita na sa Senado si Dela Rosa at gampanan ang tungkulin bilang mambabatas. Pinasusuweldo siya ng mamamayan at dapat niyang suklian ito ng paglilingkod. Hindi siya dapat magtago.
