EDITORYAL Pangunahan ng President at VP ang lifestyle check


Pilipino Star Ngayon

August 30, 2025 | 12:00am

IPINAG-UTOS ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pag-lifestyle check sa lahat ng government official. Ginawa ang kautusan, sa gitna nang mainit na isyu sa flood control projects. Ipinauuna ni Marcos ang pag-lifestyle check sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Bilyong piso ang nakopo ng 15 kompanya para sa flood control project kasabwat ang mga corrupt DPWH officials. Nadiskubre ng Presidente na pawang ghost flood control project sa Bulacan. Ang masaklap, nakuha na ng kontratista ang bilyones na bayad sa proyekto.

Ayon kay Undersecretary of the Presidential Communications Office Atty. Claire Castro, ipinag-utos din ng Presidente ang ang pagsusuri sa mga records ng DPWH kaugnay sa mga maanomalyang proyekto ng ahensiya. Tuluy-tuloy daw ang imbestigasyon para matukoy ang mga nasa likod ng mga proyekto.

Mainit ang panawagan ni Marcos sa mga opisyal ng gobyerno na magpa-lifestyle check. Ito ang sa palagay niya ay nararapat para malaman kung kumamal ng pondo ng bayan ang mga opisyal ng gobyerno na pinangunahan ng DPWH.

Kung seryoso ang pamahalaan sa pag-lifestyle check sa government officials, dapat manguna ang President at Vice President. Sila ang magsilbing halim­bawa. Kapag nakita ng iba pang opisyal ng pamahalaan na nanguna ang Presidente at Bise Presidente sa lifestyle check, mapapahinuhod ang iba pa. Kapag na-lifestyle check ang Presidente at Bise Presidente, saka pa lamang maniniwala ang mamamayan na ser­yoso ang pamahalaan.

Pabor naman daw si VP Sara na sumailalim sa life­style check. Sinabi ito ni Sara habang nasa The Hague, The Netherlands, kung saan dinalaw niya ang amang si dating President Rodrigo Duterte. Sabi ni Sara: “[Dapat] hindi lang ‘yung mga on the surface na sasabihin natin kung ano ‘yung nakalagay sa SALN. Dapat deep dive kung sino ‘yung mga dummy.”

Unang isalang sina Marcos at Sara sa lifestyle check para maniwala ang marami na seryoso sila sa panawagan. Pangunahan nila ang pag-lifestyle check para maging makatotohanan ang anti-corruption cam­paign.

Sa ganitong pamamaraaan, mapapadali ang pag-iimbestiga sa mga opisyal na may mga itinatagong yaman na nagmula sa pondo ng bayan.