Pilipino Star Ngayon
December 11, 2025 | 12:00am
Isa ang Party-list System Reform Act sa mga panukalang batas na pinamamadali ni President Ferdinand Marcos Jr. sa Senado at House of Representatives. Ang iba pang panukalang batas ay ang Antidynasty Bill at ang Independent People’s Commission Act at ang Citizens Access and Disclosure of Expenditures.
Sa tatlong panukalang batas na pinamamadali ni Marcos, mas dapat iprayoridad ang Party-list system. At para hindi na gaanong humaba pa ang pagpapasya sa panukalang reporma sa party-list, mas makabubuti kung ibasura na lamang ito o buwagin na ang party-list system. Inaabuso lamang ang party-list system ng mga ganid na pulitiko.
Hindi na nasusunod ang tinatadhana ng Republic Act 7491 o Party-list System Act na isinabatas noong 1995. Pangunahing layunin ng Party-list System ay magkaroon ng kinatawan ang mga mahihirap, manggagawa, kababaihan, kabataan, katutubo at iba pang kabilang sa marginalized sector maliban ang sector ng relihiyon.
Pero mula nang isabatas, nabalahura na ito at hindi na nasusunod ang isinasaad ng batas. Inabuso na ito nang maraming sector at naglutangan ang maraming party-list na ang inaatupag ay ang pansariling interes.
Isang katotohanan na ang mga dinastiyang pulitiko ang sumisira sa party-list system at nawawala na ang tunay na hangarin na kumatawan sa marginalize na sektor ng lipunan. Ginagamit ang party-list ng ilang political clan para palawakin ang kapangyarihan.
Masalimuot ang pagreporma sa party-list system sapagkat magkakaroon pa ng pagbabago sa Konstitusyon. Ang pinakamagandang magagawa ay ibasura ito. Hindi na ito dapat pang mamayani sapagkat ginagamit lang ng mga pulitiko para palawakin ang kanilang kapangyarihan.
Ang hahadlang lang sa pagbasura nito ay ang mga nakaupong party-list representatives. Parang nahahalintulad ito sa anti-dynasty bill na hindi umuusad sapagkat maaapektuhan ang mga mambabatas mismo. Maari ba nilang patayin ang pinagkukunan nila ng pakinabang?
Sa nakaraang 2025 midterm elections, umabot na sa 70 party-list groups ang naghain para makaupo sa House of Representatives. Napakaraming nais maging kinatawan sa kongreso. Subalit ang tanong: tunay kaya silang kumakatawan sa marginalized sector o nais palawakin ang pulitika ng kanilang pamilya?
Mas makabubuti na ibasura ang party-list system kaysa sa ireporma ito. Mas madali ang proseso kung lulusawin kaysa sa irereporma. Tama na ang pag-abuso sa party-list system.
