Pilipino Star Ngayon
October 11, 2025 | 12:00am
Nakaka-shock ang natuklasan ng komite ng Senado na pinamumunuan ni Sen. Sherwin Gatchalian: ang farm-to-market roads (FMRs) ay overpriced nang mahigit P10 bilyon! Kung nakagimbal ang malawakang anomalya sa flood control projects, ganito rin pala ang nangyari sa FMRs—pinagkaperahan din ng mga sukab! Ayon sa pagsisiyasat, ang anomalya sa FMRs ay nakapaloob sa 2023 at 2024 national budget. Pinakamalaki ang nakalaang pondo sa FMRs sa Bicol Region.
Sinabi ni Gatchalian na ang mga proyekto ay may inflated cost estimates, redundant alignments, at mga daan na hindi naman ginagamit ng mga magsasaka. Natuklasan ni Gatchalian na ang gastos sa bawat kilometro ay doble at meron pang triple kumpara sa karaniwang estimates ng DPWH. Ayon sa senador karamihan sa FMRs ay walang sapat na feasibility study at hindi dumaan sa tamang konsultasyon sa mga lokal na magsasaka. Ang FMR projects, ayon kay Gatchalian ay pinondohan sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nakadagdag sa mga nakasa-shock na natuklasan ni Gatchalian: ang nakakuha ng proyektong FMRs sa iba’t ibang rehiyon ay ang mga kumpanyang konektado sa mag-asawang Discaya. Ang mga Discaya ay iniimbestigahan ngayon ng Senado dahil sa maanomalyang flood control projects na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.
Nabanggit din sa pag-iimbestiga ng komite ni Gatchalian ang kompanya ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zady Co at ang kapatid nitong contractor. Pinakamalaki raw na nakuhang proyekto ni Co ay sa Bicol, Leyte at iba pang lugar sa Eastern Visayas.
Ang pagpapagawa ng FMRs ay madalas sabihin ni President Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA). Sa nakaraang SONA noong Hulyo, sinabi ni Marcos na bago matapos ang kanyang termino sa 2028 ay makapagpapagawa ng 131,000 kilometro ng farm-to-market roads. Tiniyak niya ito. Ayon sa kanya, kapag naabot ang target na FMRs, hindi na mahihirapan ang mga magsasaka na dalhin sa palengke ang kanilang mga ani o produkto. Magiging maginhawa na ang mga magsasaka dahil sa FMRs
Pero dahil sa nadiskubre ng Senado, malamang na hindi magkaroon ng katuparan ang pangako ni PBBM ukol sa FMRs. Ang pangarap ay mauuwi sa masamang bangungot. Bukod sa natuklasang sobrang mahal na FMRs, kakaunti pa lamang ang nagagawa. Nitong nakaraang Hulyo 2025, 70,000 kilometro pa lamang ng FMRs ang nagagawa. Kawawang mga magsasaka na umaasang mailuluwas ang kanilang ani—hindi pala dahil sinagasaan din ng anomalya.
