EDITORYAL — Substandard ang mga tulay?


Pilipino Star Ngayon

October 10, 2025 | 12:00am

NASA peligro ang buhay kapag ang dinaraanang tulay ay marupok at madaling magiba. Paano nakasisiguro ang mamamayan na ang tulay na ginawa mula sa ibinayad na buwis ay matibay? Paano kung ang tulay na dinaraanan ang maghahatid sa hukay? Nakakakilabot kung ganito ang hahantungan ng mama­mayan na ninakawan na ay mamamatay pa dahil sa sub­standard na tulay.

Dalawang beses nang may nagigibang tulay at ma­buti na lamang at walang nagbuwis ng buhay. Himalang nakaligtas ang mga drayber ng truck makaraang magiba ang tulay.

Noong Lunes, nagiba ang Piggatan Bridge sa Alcala­, Cagayan. Tatlong truck na may kargang palay ang dumaraan sa tulay nang bigla itong mahati sa gitna. Isa sa mga truck ang nakabitin sa tulay. Walang namatay pero pito ang nasugatan kabilang ang mga drayber at pahi­nante.

Ang pagbagsak ng Piggatan Bridge ay labis na naka­apekto sa pagbibiyahe ng mga tao at pagdedeliber ng suplay sa maraming bayan sa Cagayan. Sinisi naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga drayber ng truck sapagkat masyado raw ma­bigat ang kargang palay. Dapat mino-monitor ng DPWH ang mga dumadaang truck. Di ba tinitimbang ang mga truck? Nagkaroon ng pagkukulang o talagang substandard ang tulay?

Noong Pebrero 27, 2025, bumagsak din ang Cabagan-Sta Maria Bridge sa Isabela. Nahati rin sa gitna makaraang dumaan ang isang truck na may kargang bato na may bigat na 102 tonelada. Bagong bukas ang tulay na ginastusan ng P1.2 bilyon. Kasasailalim lamang sa retrofitting sa loob ng 10 taon. Walo ang nasugatan sa insidente.

Binisita pa ni President Ferdinand Marcos Jr. ang tulay at sinabing “may gugulong na ulo”. Sabi ni Marcos, hindi babagsak ang istruktura kung kumpleto at nasa magandang kondisyon ang materyales. Bumabagsak at nasisira ang mga istruktura kapag tinipid.

Sabi naman ng DPWH-Region 2, ang tulay daw ay earthquake proof. Kung earthquake proof, bakit bumagsak. Napakalambot ng bakal na ginamit. Ampaw ang mga haligi ng tulay. Halatang tinipid.

Noong Setyembre 23, isiniwalat ni dating district engineer Brice Hernandez sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee na walang matinong proyekto sa Bulacan at lahat ay substandard. Kasama raw dito ang school, kalsada, gusali at tulay.  Ayon kay Hernandez, lahat daw ay may obligasyon na kailangang itago. Hindi raw na-meet kung ano ang eksaktong nasa plano.

Maaring ang tulay sa Cagayan at Isabela ay kasama sa mga sinabi ni Hernandez kaya nagiba. Hindi lamang sa Bulacan kundi sa buong bansa. Nakakatakot!