APAT na araw makalipas ang malagim na aksidente sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) toll plaza na ikinamatay ng 12 katao makaraang araruhin ng Pangasinan Solid North Transit, Inc. (PSNTI) ang mga sasakyan, panibagong trahedya na naman ang naganap.
Dalawa ang namatay, kabilang ang limang taong gulang na batang babae, nang banggain nang humarurot na SUV ang departure area ng Ninoy Aquino International Airport kahapon ng umaga. Bukod sa dalawang namatay, marami pang nasugatan sa pagbangga ng SUV karamihan ay mga paalis at maghahatid na kaanak.
Sa kuha ng CCTV, naka-park ang SUV nang bigla itong humarurot at bumangga sa railings at tinumbok ang mga tao sa harap ng departure area. Sa lakas ng impact ay nawasak ang konkretong stand ng railings. Nang mahawi ang usok ng nagwalang SUV, tumambad ang mga nakabulagta, kabilang ang isang bata at isang lalaki. Makikita rin ang iba pang nakahigang tao na nahagip ng SUV. Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima.
Nadakip ang nagmamaneho ng SUV na sinabing nagkamali raw siya ng tapak sa pedal ng sasakyan—sa halip na preno ay gas ang natapakan. Nahaharap sa reckless imprudence resulting in multiple homicides, multiple physical injuries, and multiple damage to property ang drayber na hindi pinangalanan.
Kalunus-lunos ang nangyari sapagkat isang walang kamalay-malay na bata ang nadamay sa masasabing kamalian ng drayber. Ayon sa report nasa NAIA ang bata dahil maghahatid sa ama nito na isang OFW. Limang taon umano na hindi nagkita ang mag-ama. Napakalungkot. Dahil sa iresponsableng drayber, may nasayang na buhay.
Sinabi ng DOTr na sususpendihin ang lisensiya ng drayber. Dapat lang na permanente nang hindi makapagmaneho ang drayber. Sa nangyari, nararapat maghigpit sa pag-iisyu ng lisensiya ang LTO. Maraming drayber ang naiisyuhan ng lisensiya dahil sa mga corrupt na LTO officials. Sa huli, ang nagiging biktima ay mga kawawang pedestrians at mga pasahero.
Sa ibang bansa, katulad sa Japan at Australia, napakahirap makakuha ng driver’s license. Dumadaan sa butas ng karayom ang mga aplikante bago maipasa ang driving tests. Dito sa Pilipinas, wala pang isang oras, may lisensiya na ang aplikante kahit walang alam sa pagmamaneho. Pera-pera lang ay ayos na!
