EDITORYAL — Umpisahan na ang impeachment trial


SA Miyerkules (Hunyo 11) nakatakda ang pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Una nang tinakda ang pagdinig noong Hunyo 2, subalit ipinagpaliban ni Senate President Chiz Escudero. Ayon kay Escudero, maraming prayoridad ang Senado at ito ang dapat pagtuunan ng pansin. Marami aniyang mahahalagang dapat unahin.

Ang pagpapaliban ng pagdinig ay nagbunga nang maraming diskusyon, pagbatikos, pagpuna at pagkabahala. Maraming nabahala dahil matagal nang naisumite sa Senado ang impeachment complaint pero hindi tinutugunan ng senado. Nakasaad sa 1987 Constitution na kapag naisumite na ang impeachment complaint ay dapat itong aksiyunan agad ng Senado.

Inulan ng batikos si Escudero dahil sa anila’y ­pagdribble sa impeachment complaint. Malinaw na may balak daw i-whitewash ang impeachement trial. Ang hindi raw agad pagtugon sa inihaing impeachment complaint ay paglabag sa Constitution na hindi dapat ginagawa ng Senado.

Subalit matapang na sinagot ni Escudero ang mga puna at batikos. Sinabing hindi raw siya puwedeng diktahan. Wala raw makapag-uutos sa Senado ng mga dapat gawin. Sinisi pa niya ang Kamara dahil sa atrasadong pagsusumite ng impeachment complaint.

Habang nag-uurung-sulong si Escudero sa impeachment trial, kumilos naman si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at nag-draft ng resolution para ipawalambisa ang impeachment complaint kay Vice President Sara Duterte. Malakas ang loob din na sinabi ng senador na malaki ang tsansa ni Sara na mapawalang-sala dahil sa numbers ng mga senador na kakampi rito. Taliwas naman ito sa ginawa niyang pag-draft ng resolution na nagpapawalambisa sa impeachment complaint. Kung alam na pala niya na mananalo si Sara, bakit kailangan pang mag-draft ng resolution. Ba’t hindi na lang hayaan na gumulong ang impeachment trial?

Dahil din sa mga kilos ni Escudero, maraming law school sa bansa ang nanawagan na ituloy ang impeachment trial. Una nang nanawagan ang mga law professor sa University of the Philippines na simulan na ang trial kay Sara.

Nakiisa rin ang Ateneo School of Government (ASoG) sa panawagang ituloy na ang impeachment trial ni Sara. Magkasunod na nanawagan noong Biyernes ang De La Salle University faculty members at mga professor ng San Beda University.

Hayaang gumulong ang impeachment trial ni Sara. Hayaang ilantad ang mga inaakusa sa kanya para marinig ng taumbayan. Hayaan din namang marinig ang mga depensa ni Sara at nang malinis ang kanyang pangalan. Kapag patuloy na ipinagpaliban ang paglilitis at mabasura, mawawalan ng tiwala ang taumbayan at magbubunga nang matinding galit.