PINAKA-GRABENG tradisyunal na pulitiko si Congressman Manhik-Manaog (CMM), ani Mr. Shooli. Totoo nga, batay sa esklusibong ito.
Tanong: Bakit kumakandidato ka pa sa edad-80, eh kalahating siglo ka na sa pulitika? Sana Gen X, Y, at Z naman—86 percent ng botante.
CMM: Bakit, kailan ba tumigil sa pagkandidato si Juan Ponce Enrile.
Tanong: Kandidatong senador ang misis mo, gobernador ang panganay mo, vice gov. ang pangalawa, at mayor si bunso. Sobra na ito!
CMM: Sino ang nagpadala ng tanong na yan, si Ralph Recto ano?
Tanong: Bakit kayong mga kongresista tinaasan ang 2025 Public Works Budget kasya Edukasyon?
CMM: Mas mataas ang kita sa Public Works. Taun-taon ‘yan. Sa aking distrito lang may tulay na itinayo sa gilid ng ilog. Hindi pa tapos ‘yan. Eh sa Edukasyon, pag-graduate mo, e di tapos ka na.
Tanong: Tungkol sa mga kagyat na pangangailangan, bakit ang mahal ng pagkain? Bakit walang pondo ang PhilHealth?
CMM: Dahil ‘yan sa bad experience nu’ng pandemic. Nagkasundo ang majority na kami na ang makinabang, kaysa ang hindi karapatdapat.
Tanong: Bakit mo ineendorso para mayor ang isang dayuhan?
CMM: Fake news ‘yon! Wala pa kaming napagkakasunduan na presyo. Kaya bakit ko ieendorso. First things first, money on the table.
Tanong: Sira-sira na ang highway rock nettings at cat’s eyes mo.
CMM: Mga hindi natatapos na proyekto ang pinag-iisipan namin para tuluy-tuloy ang daloy ng pera through us.
Tanong: Sabi ni Mayor Benjie Magalong 70 percent ang kickback du’n at kompanya ng mga congressman ang kontratista at suppliers.
CMM: ‘Yan ang matagal ko nang sinasabi, biased ang media laban sa aming mga pulitiko. May pangalan kaming pinangangalagaan.
(Maraming salamat kay idol ng bayan Leo Martinez.)