Ex-Cebu Governor Garcia pinagmulta ng P1.2 milyon ng Ombudsman


Angie dela Cruz — Pilipino Star Ngayon

August 15, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pinagbabayad ng Office of the Ombudsman si da­ting Cebu governor Gwendolyn Garcia ng P1.2 ­milyong multa matapos mapatunayang guilty sa kasong administratibo at misconduct bunsod ng pag-apruba sa desilting project sa Mananga River sa lalawigan.

Ayon sa Ombudsman, isang taong suspension without pay sana ang dapat na ipataw na parusa kay Garcia subalit dahil wala na ito sa puwesto, pinagmumulta na lamang ang dating gobernadora ng P1.2 milyon katumbas ng anim na buwang suweldo.

Matatandaang isang Moises Deiparine ang naghain ng kaso laban kay Garcia nang akusahan ang dating gobernadora ng grave abuse of authority, gross misconduct, serious dishonesty, gross negligence, conduct prejudicial to the best interest of the service, at paglabag sa  Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (Republic Act No. 6713).

Sinuspinde ng Ombudsman si Garcia ng anim na buwan bago ang eleksyon noong Mayo dahil sa naturang kaso.