Feeling na failure na nanay


Dear Dr. Love, — Pilipino Star Ngayon

October 8, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Naiiyak ako para sa mga anak ko. Feeling ko isa akong failure na nanay. Dahil sa hindi ko sila napalaki ng tama. Lalo na sa panganay kong babae.

Sumama siyang magtanan sa boyfriend niya. Mas inuna pa niya ang boyfriend niya sa halip na magtapos muna sana ng pag-aaral.

Katuwiran niya ay nati-trigger daw ang kanyang depression dahil nasasakal daw siya sa pagbubunganga ko at paghihigpit ko sa kanya.

Kaso ngayon naman na nakikipag-live in siya sa nobyo niya ay mas marami ang pro-blema niya.

Ang siste, sa akin pa rin siya tumatakbo tuwing wala siyang pambili ng gatas o pambayad ng kuryente.

Hindi mo naman matiis dahil kung kani-kaninong tao nangungutang.

Gustuhin ko man tiisin ang anak ko, pero paano ang apo ko? Saan ba ako nagkulang sa pagpapalaki sa anak ko?

Elsa

Dear Elsa,

Huwag mong isipin na bigo ka bilang nanay. Siya mismo ang nagdesisyon na umalis sa poder mo. Hindi masamang tumulong para sa kapakanan ng iyong apo.

Pero dapat maipaliwanag mo sa anak mo na iba na ang sitwasyon ngayon na bumubuo siya ng sarili niyang pamilya. Kailangan tiisin mo ang iyong anak para matutunan niya at ng kanyang kinakasama na tumayo sa sarili nilang mga paa.

Para hindi habang panahon ay aasa sila sa iyo.

Ngayon ay isa na ring magulang ang iyong panganay, tiyak na maiisip niya na tama ang mga pangaral mo sa kanya noon.

Oras na, na ha-yaan mo siyang dumiskarte sa sarili niyang paraan.

At matutunan din niyang maging responsableng nanay naman ng kanyang sarili anak. At kung paano niya itataguyod ang kanyang anak at pamilya.

Dr. Love