Jericho ayaw maging pulitiko… we just need leaders who really care!


Na-absord ni Jericho Rosales ang pagiging Manuel L. Quezon.

Hindi raw siya nakakabitiw sa pagiging MLQ na minsan ay naiuuwi pa raw niya ito.

Dahil doon, hanggang sa ginanap na media conference ng pelikulang Quezon noong Martes ng hapon sa Manila Hotel, parang nag-iba tuloy sa tingin namin si Jericho.

Nag-mature nga siya. Parang ibang kumilos at kahit magsalita.

Kahit daw ang kasama niya sa bahay ay napapansin ang ganun.

Si Echo ang bida sa upcoming historical film na magkakaroon ng nationwide cinema release next week, October 15, Wednesday.

Tinuturing bilang most anticipated Filipino film of 2025, ang award-winning director, si Jerrold Tarog, ang humawak ng pelikula, na magsisilbing conclusion sa inaabangang ‘Bayaniverse’ trilogy ng TBA Studios.

Sinusundan ng pelikula si Manuel L. Quezon habang ipinaglalaban ang kalayaan ng bansa sa Estados Unidos. Nakita niya ang sarili na naglalaro ng brutal sa pulitika para malampasan ang kanyang mga karibal—kabilang sina Leonard Wood, Sergio Osmeña, at Joven Hernando. Sa kanyang walang humpay na paghahangad ng kapangyarihan, kalaunan ay nakaharap ni Quezon si Emilio Aguinaldo noong 1935 election sa pagkapresidente ng Pilipinas, na sa huli ay nagpabago sa mukha ng pulitika at kasaysayan ng ating bansa.

Kasama rin sa Quezon sina Benjamin Alves, Mon Confiado, Arron Villaflor, Cris Villanueva, Romnick Sarmenta, Karylle, JC Santos, Jake Macapagal, Bodjie Pascua, Angeli Bayani, Jojit Lorenzo, Joross Gamboa, Therese Malvar, Ana Abad Santos, Ketchup Eusebio, and Nico Locco.

Si Iain Glen, na nakilala sa kanyang role sa Game of Thrones, ang gumanap na U.S. Governor-General Leonard Wood sa pelikula. Hindi siya nakadalo sa presscon pero nagpadala siya ng video message.

Rated PG by the MTRCB kaya pwede sa buong pamilya ang Quezon.

“Quezon’ is designed to be a compelling stand-alone cinematic experience for all audiences, whether they’ve seen the previous films or not, even as it concludes the Bayaniverse trilogy,” ayon kay TBA Studios President and COO Daphne O. Chiu-Soon.

Dagdag ni Ms. Chiu-Soon: “We conceived Quezon as a big-screen spectacle to be fully appreciated in the theaters. With our world-class production values and an all-star ensemble cast, we believe ‘Quezon’ isn’t just a movie, it’s an event that demands the big screen.”

Maari rin itong mapanood ng mga estudyante at guro sa special rate na P250, mas mura sa ordinaryong bayad sa sine.

At pagkatapos mapanood sa Philippine theaters ay magkakaroon ito ng international premiere sa 45th Hawaii International Film Festival sa October 26 at the Consolidated Kahala Theater, and on October 28 at the Consolidated Kapolei Theater.

Ganundun sa US, Canada, Australia, New Zealand, and the Middle East this October.

Samantala, dahil hindi gaanong nalalayo ang kuwento ni Quezon sa mga nagaganap sa ating bayan sa kasalukuyan, naisip ba ni Jericho na tumakbo ring presidente o maging pulitiko?

“The short answer is no! And the long answer is that…”

At ang kasunod nitong kuwento ay tungkol sa naging biyahe nila ni Janine Gutierrez sa Tanzania kamakailan.

Maganda raw ang naging karanasan nila at ramdam niya kung paanong mag-alaga ng mamayan doon. “We just need leaders who really care, genuinely, sincerely. That’s all we need.

“Everything can be learned. I never gradua­ted. I never went to college. Nag-aral akong mag-Ingles dahil sa television. Ang dami kong eskuwelahan na pinasukan.

“Ang dami kong puwedeng pag-aralan, pati acting, art, lahat puwede kong pag-aralan. Lahat kaya naman.

“Pero kapag wala sa puso mo, at hindi talaga genuine sa iyo ang pag-care, ang pagsilbi, sa isang tao, ano pa kaya ang sa isang buong bansa.

“Ang pinakamahal ko sa buhay ay ang sining. Paano ko ipagpapalit ang sining sa isang posisyon? Paano ko pagsasabayin ang sining at ito? Paano ko pagsasabayin ang ibang bokasyon at ang pamumuno ng isang bansa.

“Hindi biro ang maging presidente. So, ang hinihiling po natin ay ang puso ng isang presidente!” may lamang pahayag pa ni Jericho.

Habang ang gumaganap na Emilio Aguinaldo na si Mon Confiado ay wala rin sa bokabolaryo ang pulitika. “Ni minsan hindi pumasok sa isip ko na pumasok sa pulitika. At aminado ako na hindi ko kakayanin, at wala akong alam!” mabilis niyang sagot.

At kumpisal pa ni Echo na natulungan siya ng Quezon upang tumibay ang kanyang pagka-Pilipino.

Tulad nang mas aktibo na raw siya sa mga nagaganap sa ating bansa.

“I understand now how important history is. And I understood that the reason why I fall asleep in History class nu’ng bata ako is because I didn’t care about the country. It is care that actually makes you move. It is love that makes you move. You love your family, then you move. You love your friends, then you move and do the things that no one would ever do for them because you love them.”

At kung gaano ka-importante ang pagkilos para sa ating bayan.

“Because of this film, I saw how important it is for everyone to take responsibility and actually knowing and understanding sa’n ba tayo galing? Sino ba ‘tong mga hinahalal natin? Sino ba ‘tong nilagay natin?”

At sa pamamagitan aniya ng kasaysayan madidiskubre natin kung aling bahagi natun ang maari nating ipagmalaki.

Kailangan umanong tukuyin at maintindihan ng bawat isa sa atin kung ano ang pinakamamahal natin sa Pilipinas para maging proud tayong muli sa bansa. “Through history, d’yan mo malalaman bakit ko ba mahal ’yung Pilipinas? So naiintindihan ko ngayon because of this film that now I am more involved. How do we solve corruption? Corruption is just like a pimple. It’s the byproduct of puyat and the oil and everything that we eat na hindi ano. If going back to the question of ano ‘yung mapupulot natin sa pelikulang ito? Play the trailer 10 times if you need to because the answer is there,” paliwanag pa niya.

Sa tanong kung paano ito sosolusyonan ang korapsyon sa bansa: “Hindi trabaho ng iisang tao ang pag-solve ng corruption. Trabaho natin buong Pilipinas. Bawat isang Pilipino.”

Anyway, inaasahang susuportahan ito ng maraming Pilipino sa pagpapalabas next week.