February 2, 2026 | 12:00am
TIYAK gagayahin ng China at Russia ang ginawa ni US President Donald Trump sa Venezuela. Manunumbalik ang kolonyalismo sa mundo.
Garapalang imperyalismo ang ipinatupad ni Trump. Inasam niya ang likas-yaman ng Venezuela. Kesyo raw ninakaw nito ang pag-aari ng America. Pinabagsak ang gobyerno ni President Nicolas Maduro. Ipinalit ang mga tutang opisyales. At ngayon hinihigop ang petrolyo nito, pinakamalaking reserba sa mundo. Hindi alam kung kelan siya hihinto.
Ginawa na ‘yan ng America sa Pilipinas nu’ng 1898, at sa Vietnam nu’ng dekada-’60. Inagaw nito ang Pilipinas mula sa kolonyalistang Espanya, at ang Vietnam mula sa France. Minina ang ginto, pilak, bakal; trinoso ang mga gubat; dinala sa America ang hilaw na materyales, at ibenenta sa mga kolonya ang mga produktong kotse, makina, tabla, atbp.
Mapag-asam din ng likas-yaman ng ibang bansa ang Russia at China. Nagdadalawang-isip silang mag-kolonya dahil sa opinyon ng mundo. Pero dahil nakalusot si Trump, sasali sila sa paghahati-hati ng mundo sa kani-kanilang “sphere of influence”.
Hindi na aalis si Vladimir Putin sa Ukraine. Lalong tututain ang Belarus. Aangkinin ang maliliit na kapit-bansang Moldova, Georgia, at Chechnya. Isasailalim ang opisyales ng Central Asia: Kazakhstan, Uzbekhistan, Turkmenistan, Kyrghystan, Afghanistan, Azerbaijian. Nanganganib pati Mongolia at Japan.
Aangkinin ng China ang Taiwan at Okinawa. Sasakupin ang Paracel Isles ng Vietnam. Pati Batanes, Palawan, Sulu, Scarborough Shoal at Spratly Isles ng Pilipinas ay palalabasing pag-aari niya.
Para ma-kolonya ang Pilipinas, magpupuwesto si Xi Jin Ping ng tutang Pilipinong lider. Batid na ng madla kung sino ‘yon – isang mataas na opisyal na ni minsan ay hindi umangal sa pang-aabuso ng China sa West Philippine Sea. Hahayaan ng China mandambong ang tuta na ito, basta protektahan lang ang interes ng Beijing.