MANILA, Philippines — Nananawagan ang ‘Gaming Advocates for Meaningful and Ethical Reforms Coalition, Inc. or GAMERS Coalition,’ sa mga kasapi nito at mga mamamayan na magkaisa at suportahan ang mga makabuluhang inisyatibong reporma bilang tugon sa mga suliraning kaugnay sa ‘electronic gaming industry’ na sumasailalim ngayon sa masusing pagsusuri.
Ang ‘Gamers Coalition’ ay grupo ng mga kasapi sa naturang industriya na “nagsusulong ng akma, makatwiran, moral at mabisang mga reporma” sa ‘electronic gaming industry.’ Sinabi ni Jay Carizo, na namumuno nito, na ang ‘GAMERS Coalition’ ay “kumakatig sa mga panukalang repormang batas, na nakabatay sa tama, ‘scientific’ at makabuluhang pagkilala sa totoo, at hindi isinasa-isang tabi ang katutuhanang ang tunay na kalaban ay ang ILEGAL NA SUGAL.”
Nitong nakaraang Martes, nagbabala ang Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) na ang higit na mahusay na ‘legal framework’ ng reporma ay hindi ang pagbura sa industriya, kundi ang mga hakbang na magtatama sa mga mali nito, na sa dulo ay siyang magpapatunay sa tagumpay at mahalagang silbi ng industriya.
Sa gitna ng mga panawagang burahin na ang ‘internet gaming,’ sinabi ni PAGCOR chairman Alejandro na ang higit na akma at mabisang remedyo sa mga suliraning kaugnay sa ‘internet gaming’ ay ang mga makatwirang hakbang na tutugon sa mga problema, at hindi ang pagbura sa buong indudtriya, kasama ang mga sektor nito na napatunayan nang produktibo at may silbi. Binigyang diin ni Tengco na “bagama’t kailangan ang mahusay na mga harang sa ilang sektor ng industriya, hindi naman dapat ang sobra at burahin ang kabuuan nito.”
Ayon kay Carizo na isang espesyalista sa mga panuntunan ng industriya, “naniniwala ang ‘GAMERS Coalition’ na ang ‘gaming’ ay maaaring pagmulan ng mga ‘innovation,’ trabaho at positibong pagsulong ng pamayanan kung ito’y nakaugat sa integridad, ‘transparency, and accountability’ o pananagutan.”
“Naiiba ang karakter ng industriya ng sugal at kapag sobra itong hinigpitan, nagiging ‘underground’ ito at umuusbong ang maraming ilegal na sugal gaya ng nangyari kamakailan sa Netherlands,” paliwanag ni Carizo mula sa isang report.
Sa Netherlands, pinatawan ng pamahalaan ng mababang hangganan ang buwanang ‘deposit limits’ ng ‘online gaming’ upang diumano’y bigyang proteksiyon ang mga nagsusugal, ngunit sa halip na matugunan ang problema, naging ‘underground’ ang mga ito.
Sa ngayon, maraming mga sugarol na ang nagtatago sa mga ilegal at hindi nasusubaybayang mga ‘online gambling platforms,’ isang kaganapang naglalagay sa kanila sa banta ng kapahamakan at nagsusulong sa paglipana ng mga ilegal na sugal. Dahil dito, higit na mainam at mabisa diumano ang ‘regulated and responsible gaming’ kung saan higit na ligtas sa panganib ang mga sugarol at bayan.
“Huwag nating kalimutan na kaya ginawang legal ang ‘online gaming, ay upang mabawasan ang ilegal na sugal at hindi ang kabaligtaran,” ayon sa pahayag. Sa ngayon, ilang panukalang batas na ang naihain sa Kongreso laban sa ‘online gaming’ at mga kasino, ngunit hindi nagkakaisa ang mga mambabatas kung paano akmang tutugunan ang problema. Ang ilan ay nagsusulong ng mga regulasiyong reporma at ang ilan naman ay nagnanais na burahin ang buong industriya.