MANILA, Philippines — Inaasahang aabot sa P15 bilyon, ang gagastusin sa sinuspindeng rehabilitation project sa EDSA, ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon.
Sa kanyang pagsalang sa Commission on Appointments (CA), sinabi ni Dizon na ito ang mangyayari kung ang rehabilitasyon ay isasagawa hanggang 2027.
“Nagsabi po ang Department of Public Works and Highways ng amount hanggang 2026 — end of 2026 ito po ay P8.7 billion. Pero yun pong mga matitira pa na aabot ng 2027 ang estimate ng DPWH ang total po ay aabot ng P15 billion,” ani Dizon.
“Sinabi na ng DPHW na ang proyekto ay nagkakahalaga ng P8.7 bilyon kung gagawin sa katapusan ng 2026. Ngunit kung ito ay isasagawa hanggang 2027, ang tinatayang halaga ng DPWH ay P15 bilyon,” sabi pa Dizon.
Una rito, inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Linggo ang pagpapaliban ng rehabilitasyon ng EDSA sa loob ng isang buwan.
“At nakinig din siya sa mga eksperto na nagpaalam sa kanya na may mas mabisang paraan at bagong teknolohiya na magagamit natin para matapos ang proyekto nang maaga sa inaasahang oras,” ani Dizon.
Binigyang-diin ni Dizon na ang pagpapaliban ay hindi nangangahulugan na kanselado na ang planong rehabilitasyon ng EDSA.