La Mesa Dam umapaw na


MANILA, Philippines — Umapaw na ang La Mesa Dam sa Quezon City sanhi ng patuloy ng malakas na pag-ulan, kahapon.

Ayon sa PAGASA Hydrometeorology Division, bandang alas-3 ng hapon, umabot na sa spilling level na 80.16 meters ang La Mesa Dam.

Ibig sabihin umano, ang mga umapaw o sobrang tubig ay pupunta sa Tullahan River at daraan sa ilang flood prone areas sa Metro Manila.

Sinabi ni Rosalie Pagulayan, senior weather specialist ng PAGASA, kabilang sa mga posibleng maapektuhan ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Sta. Quiteria, at San Bartolome sa Quezon City; ilang bahagi ng Valenzuela City, partikular ang North Expressway at La Huerta Subdivision; at bahagi ng Malabon.

Pinaghahanda ng PAGASA ang mga residente sa mga nabanggit na lugar lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog na maging alerto sa posibleng pagbaha.