General Torre, nag-courtesy visit kay Senator Raffy


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

August 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nag-courtesy visit sa tanggapan ni Sen. Idol Raffy Tulfo sa Senado si PNP Chief Gen. Nicolas Torre III kasama ang ilang police officials.

Sa pulong, tinalakay ni Sen. Tulfo ang pag-oobliga sa lahat ng operatiba ng PNP na magsuot ng kani-kanilang body-worn camera sa bawat ­operasyon para maiwasan ang pag-tamper sa ebidensya. Iminungkahi rin niya ang pag-invest sa artificial intelligence (AI)-enabled cameras para mas mabilis na makilala at maaresto ang wanted criminals.

Kinumusta rin ni Tulfo ang 911 emergency hotline na tinatawagan ng publiko sa oras ng sakuna, krimen, o anumang emergency, at hinikayat ni Torre si Tulfo na subukang tawagan ang nasabing numero. 

Iminungkahi rin ni Sen. Idol na dagdagan nila ang mga taong sumasagot sa hotline, at sinabi ni Gen. Torre na kasalukuyan na nilang pinoproseso ang karagdagang sampung bagong operators.

Binigyang-diin din ni Tulfo ang kahalagahan ng sapat na training para sa mga call responders upang maayos na ma-handle ang critical situations habang hinihintay ang pagdating ng tulong — na ayon kay Torre ay inaasahang darating sa loob ng limang minuto.