September 23, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Magandang araw po. Ako po ay isang simpleng binata na matagal nang nagtatago ng damdamin para sa isang babae.
Matagal ko na po siyang gusto, pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin masabi sa kanya ang nararamdaman ko.
Ang dahilan po, bungi ako. Nahihiya ako na baka pagtawanan o ang malala, pandirihan niya ako.
Iniisip ko na baka hindi niya ako tanggapin dahil sa aking hitsura.
Minsan, naiisip ko pa na baka wala nang magkakagusto sa akin dahil hindi ako perpekto.
Pero Dr. Love, gusto ko rin po sumubok magmahal at mahalin. Ang tanong ko po, paano ko malalaman kung kaya niyang tanggapin ang isang tulad ko, na may kapansanan sa ngipin?
At paano ko po kaya malalampasan ang takot at hiya ko para makapagsimula ng ligawan?
Dennis
Dear Dennis,
Una sa lahat, salamat sa tapang mo sa pagbabahagi ng iyong damdamin.
Alam mo ang pagiging bungi ay hindi hadlang para magmahal at mahalin ang isang tao.
Tandaan mo, ang tunay na pagmamahal ay hindi nakabatay sa anyo ng ngipin, sa ganda ng mukha o iba pang katangiang pisikal, kundi sa kabutihan ng puso at katapatan ng damdamin.
Kung gusto mo talaga ang isang tao, mas maganda na ipakita mo sa kanya kung sino ka — bilang totoo, simple, at walang pag-aalinlangan.
Mas mamahalin ka niya kung makikita niyang matatag ka at may kumpiyansa sa sarili, kaysa kung puro takot at hiya ang nanaig.
Kung sakaling hindi niya tanggapin, huwag mong isipin na problema mo iyon.Dahil ang tamang tao na para s’yo, makikita ang halaga mo nang higit pa sa pisikal na anyo.
At kung sakaling gusto mo ring mas maging kumpiyansa sa sarili, sikapin mo nai pag-ipunan ng sapat na halaga nang sa gayon ay makapagpagawa ka ng ngipin.Ito ay hindi lamang bilang investment sa iyong kalusugan at lalo’t para matamo mo ang sapat na tiwala sa sarili.
Pero sa huli, mahalagang tandan na ang tunay na pagmamahal ay nakikita sa puso, hindi sa ngipin. Kaya lakasan mo ang loob mo. Pag-isipan at pagplanuhan mo ang iyong make-over para sa type mong babae.
Dr. Love