Gym sa China, nangako ng luxury car sa makapagbabawas ng 50 kgs sa loob ng 3 buwan!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

November 4, 2025 | 12:00am

ISANG gym sa Binzhou City, Shandong Province, China ang naging viral dahil sa kanilang kakaibang alok: isang second hand na Porsche Panamera sports car para sa unang member na makapagbabawas ng 50 kilograms (o 100 pounds) sa loob ng tatlong buwan.

Ang sinumang gustong sumali ay kailangang magbayad ng fee na 10,000 yuan (katumbas ng P82,000). Ang bayad na ito ay sumasakop na sa tatlong buwan ng intensive training, lodging, at pagkain sa gym.

Ayon sa isang fitness coach ng gym, may pito hanggang walong tao na ang nakapag-sign up para sa hamon.

Bagama’t marami ang naengganyo sa pagkakataong manalo ng isang luxury sports car habang nagpapapayat, umani naman ito nang matinding batikos mula sa mga health experts. Nagbabala ang mga eksperto na ang alok ng gym ay naglalagay sa mga gym members sa panganib.

Ayon sa medical experts, ang pagbabawas ng 0.5 kgs kada araw ay “sobrang bilis.”

“Maliban kung ikaw ay severely overweight, ang ganitong bilis ay ha­hantong sa pagkawala ng muscle sa halip na taba, na maaaring magdulot ng hormonal imbalance, pagkalagas ng buhok, at iba pa,” pahayag ng isang eksperto.

Dagdag pa ni Dr. Fu Yansong, isang gastroenterologist mula sa Shaanxi Provincial People’s Hospital, “Ang mabilis na pagbaba ng timbang ay maaaring maglagay ng strain sa organs at maging banta sa buhay.”

Para sa mga doktor, ang “scientific” at ligtas na pagbabawas ng timbang ay dapat gawin nang dahan-dahan, na ang ideyal na goal ay 0.5 kg lamang per week.