SA panahon kung kailan tila palala nang palala ang trapiko, polusyon, at taas ng pamasahe, isang magandang balita ang pagbabalik ng Love Bus at higit sa lahat, libre pa. Isa itong makabuluhang hakbang na hindi lang nagbabalik ng nostalgia mula sa dekada ’70 kundi isang konkretong patunay na posibleng pagsamahin ang makabago, makatao, at makakalikasan sa sistemang pampublikong transportasyon.
Ang Love Bus, na una nating nakilala bilang kauna-unahang air-conditioned bus sa bansa ay muling babagtas sa mga lansangan ng Davao at Cebu, bago pa man ito lumawak sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. Sa bagong bersyon nito, hindi lang disenyo ang retro, kundi may bitbit din itong pangakong pagbabago: ito ay electric kaya hindi magbubuga ng polusyon gaya ng mga tradisyonal na sasakyan.
Isang malaking puntos ito para sa kalikasan at sa ating mga baga. Hindi rin ito basta pang-display lamang. Sa ilalim ng panibagong programa, libre ang sakay, isang konkretong tulong sa ordinaryong mamamayan na araw-araw sumasabay sa pagsisikip ng trapiko at taas ng bilihin. Ang pagbabalik ng Love Bus ay simbolo na rin ng pagbibigay-halaga sa dignidad ng bawat pasahero: maayos, maaliwalas, at maaasahan ang biyahe.
Hindi rito nagtatapos ang magandang balita. Kasabay ng pagbabalik ng Love Bus ay ang mga reporma sa ibang bahagi ng pampublikong transportasyon tulad ng 1+3 Pamilya Pass, diskuwento para sa mga nakatatanda at estudyante, at ang pagpapatuloy nang malalaking proyekto tulad ng Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway.
Bukod pa rito, magagamit na rin ang Dalian trains na matagal nang kinakalawang sa depot, isang tagumpay ng pagsusuri, pagsasaayos, at pagtama sa pagkakamali ng nakaraan. Oo, marami pang kailangang gawin para tuluyang maisaayos ang buong sistema ng transportasyon sa Pilipinas.
Ngunit ang mga hakbang na ito lalo na ang pagbabalik ng Love Bus ay malinaw na senyales na may direksyon, may malasakit, at may pagkilos. Hindi kailangang maghintay ng perpekto. Ang mahalaga, may simula. At ang pagbabalik ng Love Bus ay isang makulay, malinis, at makataong pagsisimula.