September 27, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Mag-iisang taon na kaming kasal ng misis ko. Nagtatrabaho po ako sa Maynila habang sila ng aking anak ay nasa bahay ng aking mga magulang sa probinsiya.
Alam ko po na malungkot siya roon, kaya naman panay ang pakiusap ko sa kanya na magtiis-tiis muna kami dahil wala pang sapat na kakayahan mangupahan.
Gusto ko rin po makaipon para sa pag-aaral ng aming anak.
Kung magre-resign po kasi ako para magkasama kami, babalik lang ako sa pangingisda na napakaliit ng kita.
Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love kung paano ang mas mainam na gawin para makatugon ako sa pangangailangan ng aking sariling pamilya at para maging masaya ang aking asawa.
Maui
Dear Maui,
Hinahangaan kita sa pananatiling sa matuwid na paraan para maitawid ang panga-ngailangan ng iyong mag-ina. Hindi madali ang situwasyon mo.
Sang-ayon ako na huwag ka basta mag-resign sa kasalukuyan mong trabaho, kung mauuwi ka lang din sa situwasyon na mas magiging gipit kayo ng iyong asawa.
Ang payo ko, subukan mo na maghanap ng iba pang oportunidad habang pumapasok ka sa iyong kasalukuyang trabaho.
Samahan mo ng dasal ang iyong pagsisikap at darating din ang tugmang pagkakataon para sa’yo.
Para naman sa kahit na maliit na paraan ay maibsan ang kalungkutan ng iyong misis, subukan mo siyang hikayatin na magtindahan sa inyong lugar, depende ko saan siya mas komportable.
Kung sa maliit na sari-sari store o kaya naman pagtitinda ng miryenda.
Malaking tulong ang social media, kaya hindi na kailangan ilako dahil maaari nang ialok ang paninda sa facebook.
Mas magiging mabilis ang inyong pag-iipon kung magtutulungan kayong mag-asawa.
Marami na ang may ganyang set up at naging mas ok ang finances, kaya pwede n’yo rin subukan.
Talagang mahirap ang buhay para sa marami, pero huwag mawalan ng pag-asa. Sa halip patuloy na magsikap dahil may Diyos tayong makakapitan.
DR. LOVE