Hanggang kalian dapat magtiis? | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love,

Ako po si Aireen. May boyfriend po ako na mahal ko naman. Pero unti-unti na akong napapagod sa ugali niya.

Hindi naman po siya nananakit ng pisikal, pero mas masakit pala kapag salita ang tumatama sa puso.

Kapag nagseselos siya, kung anu-ano na lang ang ibinibintang niya sa akin kahit hindi naman totoo.

Minsan sasabihin niyang may iba raw akong kausap o hindi raw ako tapat, kahit ginagawa ko naman ang lahat para ipakita na siya lang talaga.

Ang pinakamasakit po pinipilit niyang lagi siyang tama. Kahit ipaliwanag ko ang side ko, parang wala siyang gustong pakinggan.

Nauuwi na lang sa sigawan o masasakit na salita na matagal bago mawala sa isip ko. Hindi niya man ako sinasaktan ng kamay, pero pakiramdam ko unti-unti namang nadudurog ang loob ko.

Mahal ko po siya kaya pilit kong inuunawa ang selos niya, pero hanggang kailan po ba dapat magtiis?

Normal lang po ba sa relasyon ang ganitong klase ng pagsasalita kapag galit o nagseselos? Natatakot po akong dumating ang araw na mawalan na ako ng respeto at pagmamahal dahil sa mga salitang paulit-ulit kong naririnig.

Aireen

 

Dear Aireen,

Tandaan mo ito, ang sugat na gawa ng kamay ay maaaring maghilom.

Pero ang sugat na gawa ng salita,  minsan habang buhay na dala ng puso. Hindi sapat na sabihing “hindi naman kita sinasaktan” kung ang kapalit naman ay paninira ng iyong pagkatao at kapayapaan ng isip.

Ang selos ay normal sa nagmamahal, pero hindi normal na gamitin ito para kontrolin, pagbintangan o maliitin ang partner.

Ang tunay na pagmamahal ay marunong makinig, umunawa, at magtiwala. Hindi ito palaging “ako ang tama.”

Mahalagang kausapin mo siya nang mahinahon kapag pareho kayong kalmado.

Sabihin mo kung paano ka nasasaktan sa kanyang mga salita. Kung mahal ka niya, matututo siyang baguhin ang paraan ng pakikipag-usap niya. Pero kung paulit-ulit ka niyang dinudurog emosyonal at wala siyang pagsisikap na magbago, huwag mong hayaang mawala ang respeto mo sa sarili sa kakatiis.

Hindi sukatan ng pagmamahal ang pagtitiis sa sakit na hindi mo naman deserve.

DR. LOVE