Hatian ng kickback sa DPWH ibinuking ni Lacson


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

August 21, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ibinunyag kahapon ni Senator Panfilo Lacson ang umano’y hatian ng kickback sa mga proyekto ng gobyerno na dumadaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa kanyang privilege speech na may titulong “Flooded Gates of Corruption” isiniwalat ni Lacson ang pattern ng hatian ng public funds sa ghost flood control projects.

Ayon kay Lacson, kalimitan ay 40% lamang ang natitira at  napupunta sa aktuwal na proyekto.

“Lo and behold, Mr. President: 20-25% ang kadalasang napupunta sa funder o project proponent na isang politiko,” sabi ni Lacson.

“Mr. President, ang natitirang pondo para sa pagtatayo ng proyekto ay napakapalad na umabot sa 40% o 40 milyong piso ayon sa halimbawa natin na P100 milyon,” aniya.

“Mr. Presidente, mayroong isang maliwanag na pattern ng pangit na pamamahagi ng mga pampublikong pondo sa mga crooks,” 

Batay sa ginawang pag-aaral ng kanyang tanggapan, ang budget para sa mga flood control projects ay “hiwa-hiwain” hindi lamang para sa grease money, kundi pati na rin sa mga komisyon, SOP (standard operating procedures) at iba pang termino na ang mga tiwaling opisyal lamang ang magko-coin para sa kanilang tinatawag na “shares”.

Kadalasan, 8-10 porsiyento ang mapupunta sa mga opisyal ng DPWH—at itinuturing na “masuwerte” kung hihingi lamang ang inhin­yero ng distrito ng anim na porsiyentong bahagi mula sa buong proyekto.

Ang dagdag na 2-3 porsyento ay mapupunta sa District Engineering Office kung mayroong “surplus” sa Profit ng Contractor.

Sinabi rin ni Lacson na 20-25% ng pondo ay napupunta sa “funder” ng proyekto o ng pulitiko na nagsulong na magkaroon ng pondo.

Malinaw aniya na halos pareho ang pattern kung paano minamasa­ker ng mga magnanakaw ang pondo ng publiko.

Partikular na tinukoy ni Lacson ang Bulacan na nangunguna sa mga maanomalyang proyekto sa pagsugpo ng baha.

Inilutang din ni Lacson ang pangalan ni Oriental Mindoro Cong. Arnan Panaligan na umaangkin sa mga proyekto sa kanyang nasasakupan.

Pinuri naman ng mga senador si Lacson sa ginawa niyang pagbubunyag ng mga palpak na flood control projects lalo na sa Mindoro at Bulacan.