Stroke, ikatlong dahilan ng pagkamatay ng Pinoy


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

August 20, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng isang eksperto na ang stroke ang ikatlong dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy sa Pilipinas.

Ayon kay Dr. Christina Macrohon-Valdez ng Stroke Society of the Philippines, sa ngayon ang pangunahing rason ng pagkamatay sa bansa ay atake sa puso at sinundan naman ito ng kanser at stroke.

Kaugnay nito, pina­yuhan ni Valdez ang publiko na maging mai­ngat dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng stroke sa Pilipinas dahil sa talamak na paninigarilyo, alak, o unhealthy lifestyle.

Sinabi ni Valdez na halos 70% ng mga Pinoy ay nasa panganib na tamaan ng stroke dahil sa mataas na blood pressure.

Ipinaliwanag ni Valdez na hindi sapat na alam ng isang tao na hypertensive siya dahil mahalaga rin aniyang compliant ito, umiinom ng gamot at dapat na regular na mino-monitor ang blood pressure.

Payo niya, banta­yang mabuti ang kalusugan lalo na ang mga senyales ng stroke. Kabilang sa mga tinukoy niya ay matinding sakit ng ulo na nauuwi sa pagkahimatay, dahil napakadelikado aniya nito. Sa ganitong pagkakataon, mas mabuti aniyang kaagad nang isugod sa doktor ang pasyente.

Dagdag pa niya, “If you felt na from pulsa­ting type of headache, bigla naging generalized and very, very painful, and it’s associated with vomiting and then you’re always feeling sleepy, then those are danger signs.”

Hinikayat rin niya ang publiko na gawing regular ang pag-e-ehersisyo at disiplinahin ang sarili pagdating sa bisyo.