Higit 2K naaresto sa Comelec gun ban


MANILA, Philippines — Muling nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko na kahit umiiral ang gun ban ay umakyat na sa mahigit 2,700 ang mga lumabag at naaresto, bago pa ang halalan sa Mayo 12.

Iginiit ng Comelec na tuluy-tuloy lang ang pagpapatupad ng gun ban hanggang sa Hunyo 11, 2025 na nagsimula noong Enero 12, nitong taon.

Sa datos ng Comelec mula ­Enero 12 hanggang Mayo 1, naitala ang 2,787, kung saan  2,668 ang sibilyan, 47 ang security guards, habang 19 ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at 16 ang sundalo o miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa kabuuang 2,870 na armas nasamsam sa checkpoints at mga operasyon ng pulisya, 2,589 ang handgun, 112 replica, 70 ang granada,  58 light weapons, 32 airsoft guns, at nasa higit 10,000 ang iba’t-ibang uri ng bala.

Una nang naging paalala ng Comelec na kahit mahigpit ang ipinatutupad na checkpoints, dapat ay plain view o visual inspection lamang ang isasagawa ng mga pulis at hindi pinapayagan ang pagbubukas ng compartment ng sasakyan at pagkapkap sa mga sakay.