Hindi high-tech, pero high-presyo | Pilipino Star Ngayon


PAANO ipaliliwanag sa isang guro sa bundok na araw-araw tumatawid ng ilog para makapagturo na ang laptop na ipinangakong tutulong sa kanyang magturo ay sobrang mahal at bagal, at halos ‘di na magamit pagdating sa kanya?

Mas masahol pa, paano ipaliliwanag na ang perang ginamit para sa laptop na ito ay P2.4 bilyon?

Ganito kabangis ang krimen ng Department of Education noong 2021. Bumili ng outdated at overpriced na laptops na ayon sa Commission on Audit (COA) ay hindi lang kulang sa kalidad kundi may sobra-sobrang presyo na halos doble sa dapat.

Isipin mo, higit P58,000 kada laptop, para sa specs na halos kalahati ng performance ng isang budget laptop na mabibili sa mall sa halagang P25,000. At ang mas masakit?

Dahil sa sobrang taas ng presyo, mas kaunti ang nabiling laptop kaya libu-libong guro ang naisantabi, nawalan ng suporta, at napilitang magsakripisyo ulit.

Hindi ito basta sablay ng procurement. Ito’y pandaraya, paglustay sa pondo ng bayan na sana’y ginamit para sa ma­kabagong teknolohiya, e-learning, at pagsalba sa edukasyon ng milyun-milyong batang Pilipino sa panahon ng pandemya.

Sino ang mga pumirma? Sino ang mga nagpumilit? Sino ang nagtulak? At sino ang tumanggap? Dapat harapin nila ang batas.

Hindi natin puwedeng palampasin ito. Ang edukasyon ay hindi negosyong puwedeng pagkakitaan ng mga makakapal ang mukha. Kapag guro ang ninakawan mo, buong bayan ang niloko mo.

At sa panahong ang digital learning ay kailangan na kaila­ngan, ang ginawa nila ay literal na pagputol sa tsansa ng mga bata at guro na makasabay sa panahon.

Ang tanong: Nasaan ang pananagutan? Huwag tayong makuntento sa audit report. Hindi sapat ang media coverage. Dapat may sampahan ng kaso. Dapat may makulong.

Habang ang mga magulang ay nagkakandarapang bumili ng second hand cell phone para sa online class ng anak nila, may mga opisyal na nagbulsa ng milyones habang bumibili ng laptop na parang basura.

Panahon na ng paniningil. Panahon na ng paglilinis. Panahon na para sabihing hindi kami tanga. At lalong hindi kami papayag.

DISCLAIMER: Ang artikulong ito ay isang opinyong pampubliko batay sa mga ulat at dokumentong inilabas ng Commission on Audit at iba pang lehitimong sanggunian. Layunin nitong magpahayag ng saloobin, magtanong ng pananagutan, at magmulat sa isyung may kinalaman sa pondo ng bayan. Hindi ito layuning manira ng pangalan o magparatang nang walang batayan. Ang sinumang nabanggit ay may karapatang sumagot o linawin ang kanilang panig.