Hindi puwesto sa NBI ang alok kay Torre — Castro


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

August 31, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hindi itatalaga si dating Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi ito ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro matapos ihayag ni Torre na hindi siya kwalipikado na maging NBI director.

Ayon kay Castro, ibang posisyon ang iaa­lok kay Torre kaya dapat hintayin na lamang ang anunsiyo ng Palasyo kung saan posisyon ito.

Nauna nang inihayag ni Castro na inalok si Torre ng bagong puwesto sa gobyerno na aniya ay mabigat na trabaho, mas mabigat pa sa hinawakan niyang responsibilidad sa PNP.

“Mayroon po talagang inaalok, hintayin na lamang natin kung ano magiging positibong reaksyon ni General Torre dito,” ayon pa sa opisyal.

Ayon pa kay Castro, hihintayin na lamang nila kung tatanggapin ni Torre ang posisyon na ibibigay sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.