“Hayaan na lang natin sila sa pinagkukuwentuhan, Dax. Magkasundung-magkasundo kasi sila,’’ sabi ni Hiyasmin.
“Oo nga. Bihira raw ang ganyan na magkasundo ang magbalae. Kadalasan daw ang magbalaeng babae ay nagkokontrahan.’’
“Talaga, Dax?’’
“Oo. Yung nanay ng officemate ko at nanay ng misis niya, hindi magkasundo. Lagi raw nagkokontrahan!”
“Meron palang ganun.’’
“Oo. Kaya masuwerte tayo at magkasundung-magkasundo ang ating mga ina.”
“Oo nga Dax, masuwerte talaga tayo.”
Samantala, pinagpatuloy ni Mama Lira ang pagkukuwento kay Nanay Julia ukol sa hindi magandang ugali na naobserbahan niya sa mga Kuwaiti. Sabi ni Mama Lira, sa panahon ng kanyang pagtatrabaho sa Kuwait ay pawang masasamang balita ang natanggap niya at iyon ay ang pagmamaltrato sa mga Pinay domestic helper. Mas masaklap na may mga Pinay pang pinatay ng amo.
“Noong nasa Kuwait ako, napabalita ang isang Pinay na natagpuan ang bangkay sa disyerto. Ginahasa raw ang Pinay at saka pinatay. Dinala ang bangkay sa disyerto,’’ sabi ni Mama Lira.
Napa-diyos ko si Nanay Julia.
“Mayroon ding Pinay DH na pagkatapos patayin ng kanyang amo, inilagay ang bangkay sa freezer.”
“Diyos na mahabagin!’’
“Kaya nga nasabi ko na hindi maganda ang ugali ng mga Kuwati, Mareng Julia.”
“Nakakapanindig ng balahibo ang kinuwento mo Mareng Lira.”
(Itutuloy)