Huwag makisali sa away | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

February 7, 2026 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Nung bata ako ay naalala ko na galit na galit ang lola ko sa nanay ko. Hindi paborito ng lola ko si nanay sa mga manugang niya. Dahil sa away at bati sila ng tatay ko na isang drug addict hanggang ngayon.

Mas lalo pang isinumpa ni lola si nanay nang ipamigay ni nanay ang bunso namin. Anim kaming magkakapatid, pero never namin nakita si Balong mula nang ipanganak ito.

Ang balita namin ay dinala agad sa Amerika ang kapatid namin.

Panay ang pagdadabog ni lola na isinusumbat sa nanay ko ang ginawa niya. Pagmamalaki ni lola na lahat daw ng anak niya pinagtiyagaan nito at hindi raw niya ipinamigay.

Pero ang totoo, lima sa anak ng lola ko ay puro adik at isang babae nila ay nagtanan na lamang.

Kaya napaisip rin ako na mas mapalad pa rin ang buhay ngayon ng bunso namin. Samantalang wala kaming makain at kami mismong magkakapatid ang nagpapaaral sa aming sarili.

Dahil sa ginawa ng nanay ko, hanggang ngayon ay walang amor si lola sa kanya. Nasasaktan ako para sa nanay ko.

Bakit kaya sarado ang isipan ng lola ko, hindi niya pagsabihan ang anak niya sa pambubugbog sa nanay ko at hindi pagsustento ng tatay ko sa amin.

Minsan gusto ko nang sagutin si lola. Tama bang ipagtanggol ko man lang ang nanay ko?

Jessa

Dear Jessa,

Alam kong nasasaktan ka para sa inyong ina. Pero alam mo naman ang totoong sitwasyon ng inyong pamilya, sapat na siguro na manahimik muna kayo. Hayaan natin ang away ng mga matatanda.

Bagama’t minsan ay kalabisan na ang pagsusumbat sa iyong lola sa iyong ina. Marahil ay darating din ang araw na maiintidihan ng iyong lola ang ginawa ng iyong nanay. Ipagdasal natin na magkasundo sila, pero huwag magpadala sa bugso ng damdamin at makigulo sa away nila. Dahil baka lalong lumala.

Dr. Love